Masuwerteng nakaligtas ang isang kandidatong alkalde sa Calamba, Misamis Occidental matapos itong barilin sa batok ng nag-iisang suspek, kahapon ng umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Calamba Police, dumalo ang biktimang si George Matunog, 55-anyos, sa kabubukas lamang na establisimiyento malapit sa kanyang tahanan sa Purok 1, Barangay Southwestern Poblacion.

Habang naglalakad pauwi si Matunog ay bigla na lamang sumulpot ang isang hindi pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo at nakasuot ng kulay dilaw na jacket saka binaril sa batok ang biktima.

Pagbagsak ng biktima ay mabilis namang tumakas ang suspek.

Agad na isinugod sa ospital ang biktima upang isailalim sa operasyon matapos na lumabas sa kanyang pisngi ang bala.

Ayon kay Lt. Richmond Itcay, hepe ng Calamba Police Station, maayos na ang kondisyon ng biktima na nasa isang pagamutan sa Ozamiz City.

Patuloy pang nag-iimbestiga ang pulisya para matukoy at masakote ang suspek.

Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril kay Matunog na tumatakbong independent candidate sa pagka-alkalde. (Dolly Cabreza)

The post Kandidatong mayor nalusutan ambus first appeared on Abante Tonite.