Sexy star, 4 kasabwat tiklo sa shabu

Muling nasakote ang isang dating miyembro ng Baywalk Bodies sa buy-bust operation matapos na makipagbarilan ang apat niyang kasamahan sa mga tumutugis na pulis sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang nadakip na si Kathrine Ramirez Santos na may screen name na Kat De Santos, 34-anyos at taga-La Loma, Quezon City.

Arestado rin sina Fidel Samson Jr., dating miyembro umano ng Philippine Military Academy (PMA) ng Class `87 at anak ni retired general Fidel Samson; at Victor Ronquillo, 54, taga-La Loma, Quezon City din.

Nabatid na nasibak si Samson Jr. sa serbisyo na may ranggong 2nd lieutenant matapos sumabak sa kudeta noong 1989.

Sugatan naman ang dalawa nilang kasama na sina Ferdinand Parado, 52, at Lisa De Dios Cuenco. Pareho silang ginagamot ngayon sa Chinese General Hospital.

Base sa inisyal na ulat, bandang alas-10:30 ng gabi nitong Miyerkoles, March 9, nang ikasa ang buy-bust ng mga operatiba ng District Drugs Enforcement Unit ng Quezon City Police sa La Loma.

Subalit nakatunog umano ang mga suspek kaya pinaharurot ang kanilang Toyota Fortuner na may plakang NBU 5477 at pinutukan din ang mga pulis na humabol sa kanila.

Umabot ang habulan sa Sta. Cruz, Maynila at matapos tamaan ng bala ang dalawa sa mga suspek ay sumuko na rin ang mga ito.

Nasamsam sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu na halagang P136,000, siyam na piraso ng plastic sachet at isang transparent plastic bag na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na may street value na P680, isang caliber .45 Colt at ang sasakyan nila.

Nakakulong na ang mga suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanila sa piskalya.

Matatandaang Mayo 5, 2018, kasamang nadakma ng mga tauhan ng QCPD si Kat De Santos sa isa ring anti-illegal drugs operation ng La Loma Police. (Dolly Cabreza)

The post Sexy star, 4 kasabwat tiklo sa shabu first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments