Technician durog sa 2 trak

Nasawi ang isang technician matapos na maipit ng dalawang trailer truck habang nagkakabit ng global positioning satellite sa likuran ng isa sa sasakyang nakadisgrasya sa kanya sa Port Area, Maynila kahapon ng tanghali.

Dinala pa ng ambulansiya sa Philippine General Hospital ang biktimang si Jay Mark Kee, 22-anyos at taga-Caloocan City, subalit hindi na rin naisalba ang buhay nito.

Iniimbestigahan naman ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang mga drayber ng dalawang trailer truck na sina Marvin Canuel, 25, at Mateo Solano Jr., 34.

Nabatid na magkasunod na nakaparada ang dalawang trak sa Delgado Street malapit sa kanto ng 24th Street ng Port Area nang maganap ang trahedya dakong alas-12:20 ng tanghali habang ikinakabit ng biktima ang GPS sa likuran ng trak ni Solano.

Bigla umanong umabante ang nasa hulihang trak dahilan para mapitpit si Kee sa pagitan ng dalawang saskayan. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Technician durog sa 2 trak first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments