Cagulangan bayani ng UP: Maroons tinapos 36 taong tagtuyot

Tagumpay na naibagahe nina Joel Cagulangan at ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons ang kampeonato ng UAAP Season 84 men’s basketball tournament matapos maungusan ang Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 72-69, via overtime Biyernes sa Mall of Asia Arena.

Winakasan ng Fighting Maroons ang kanilang 36 taong paghihintay sa korona makaraang putulin ang paghahari ng Blue Eagles sa kabayanihan ni Cagulangan na nagsalpak ng pamatay na tres sa natitirang 0.5 segundo.

Tumindi ang tapatan sa ika-apat ng yugto matapos umangat ang Ateneo, 59-56, sa huling 56.7 segundo ngunit naitabla ni CJ Cansino ng UP ang iskor sa 59-all at tumungo sa overtime.

Sa extra five minutes, unang rumatsada ang Blue Eagles, 62-59, habang lumamang pa sa apat na puntos ang Ateneo, 69-64, matapos ang three-pointer ni Gian Mamuyac, sa huling 1:47 minuto.

Subalit hindi nagpasindak ang UP at naitabla ni Malick Diouf ang iskor sa 69-all, 39.7 segundo na lang.

Nasundan pa ito ng isang three-point shot mula kay Cagulangan sa huling 0.5 oras, resulta upang lumamang at maibagahe ang panalo.

Bumida sa opensa ng Fighting Maroons si Diouf na may 17 points, siyam na rebounds, tatlong steals, tig-isang assist at block, habang si Cansino ay pumoste ng 14 markers.

Tunapos si Cagulangan ng 13 puntos, limang rebounds, apat na assists at dalawang assists.

Magugunita taong 1986 nang huling nagkampeon ang UP, panahon nina Benjie Paras, Ronnie Magsanoc at Eric Altamirano.

Samantala, nabalewala para sa Blue Eagles ang 27 points, apat na assists at tatlong rebounds ni SJ Belangel, 12 markers at 14 boards ni Ange Kouame at 10 points ni Mamuyac.

Itinanghal naman bilang Finals Most Valuable Player si Diouf ng Fighting Maroons. (Janiel Abby Toralba)

The post Cagulangan bayani ng UP: Maroons tinapos 36 taong tagtuyot first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments