Sakaling hindi pa nakakalabas ng bansa ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, hanggang kailan kaya niya kayang pagtaguan ang batas?
Isa itong malaking katanungan mga ka-Abante dahil bukod sa PNP-CIDG ay puspusan din ang paghahanap sa kanya ng National Bureau of Investigation o NBI upang isilbi ang warrant of arrest laban sa negosyante.
May dalawang warrant of arrest kasi mula sa Laguna Regional Trial court Branch 26 at Lipa City RTC Branch 13 sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention laban kay Ang at iba pa na may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.
Bukod dito ay naglabas na si DILG Secretary Jonvic Remulla ng P10 milyon reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo ng kinaroroonan ni Ang.
Paldo kung sinuman ang makakapagbigay ng impormasyon para mahuli si Ang, instant milyonaryo.
Kaya sabi nga ni Secretary Remulla na huwag basta magtitiwala si Atong sa kanyang mga tauhan at baka may gustong pumaldo at bumaligtad para magbigay ng impormasyon, aray ko.
Pero aminado din si Remulla na sa dami ng pera at resources ni Ang ay hindi ito basta-basta mahuhuli.
Bukod dito sinabi pa ni Remulla na si Ang ay maituturing na number 1 most wanted person ng bansa at maituturing na armed and dangerous dahil sa mahigit sa 20 nitong armadong tauhan na nakapaligid sa kanya 24-oras.
Sa ngayon ay 20 na mula sa 22 akusado ang nasilbihan ng warrant of arrest na may kinalaman sa missing sabungero kabilang na dito ang 13 pulis na nauna ng nasa restrictive custody sa Camp Crame at ilang mga empleyado ng sabungan ni Ang.
Bukod naman kay Ang ay pinaghahanap pa rin ng awtoridad ang isang dating pulis na sangkot din sa nasabing kaso.
Ni-revoke na rin ng PNP-Firearms and Explosive Ordnance ang lisensiya ng anim na baril ng negosyante at binigyan ng limang araw ng PNP ang kampo ni Ang upang isuko ito sa Manila dahil kung hindi ay mapipilitan silang mag-apply ng search warrant sa mga alam na address ng negosyante para makuha ang mga ito.
Sa ngayon ay apat na property na ni Ang ang pinuntahan ng CIDG sa Metro Manila, Laguna at Batangas subalit bigo pa rin silang matunton ito.
Inamin naman ni CIDG Director Major General Alexander Morico II na hirap sila sa paghahanap kay Ang subalit gagawin nila ang kanilang makakaya para agad itong madakip.
Pinayuhan din ni Remulla ang mga kaibigan ni Ang kabilang ang apat na retired generals na huwag na huwag nila itong itago dahil siguradong kaso ang kanilang aabutin.
Ayan mga ka-Abante, wait and see na lang muna tayo sa mga susunod na araw kung matitimbog ba ang bilyonaryong si Atong Ang…Abangan
The post Atong Ang kaya nga bang arestuhin? first appeared on Tonite - Abante.
For reliable and efficient cleaning services, mj cleaning services is the name you can trust. Offering a wide range of professional cleaning solutions, m j cleaning services ensures your space stays immaculate, whether it's at home or the office. With a focus on quality and customer satisfaction, m.j. cleaning services delivers exceptional results every time, providing you with a clean and healthy environment you can count on.
0 Comments