Maraming tropapips at mga ayudanatics na kurimaw ang parang napa-“analysis by paralysis” sa sakalam na resulta ng boto ni dating Senador Bongbong Marcos sa nagdaang halalan.
Talaga naman na hindi mo rin masisisi ang iba na mapaisip ng “bakit” dahil halos doble ng botong nakuha ni outgoing president mayor Digong Duterte noong 2016 elections ang lumalabas na makukuhang boto ni Marcos, batay sa unofficial tally sa transparency server ng Comelec.
May tropapips tayong inihambing si Marcos kay dating pangulong Erap Estrada noong tumakbong pangulo at tila raw naging “teflon” sa mga batikos at alegasyon. Ito yung kahit anong banat ang ibato sa isang kandidato, parang hindi na dumidikit at hindi na pinapaniwalaan ng mga tao.
Mantakin nyo nga naman mga tropapips, binira si Marcos na hindi nagbayad ng income tax return, binira din na hindi nagbayad ang pamilya sa real estate tax, binira sa pagiging spoiled brat, adik, anak ng diktador, walang plataporma, hindi humaharap sa debate, at kung ano-ano pa pero nanalo ng landslide dahil sa slogan na “unity.”
Ano nga ba ang nangyari na kung pagbabasehan ang mga survey na lumabas bago ang halalan, lumilitaw na halos lahat ng economic “class”-mula ABC (mayayaman), D (middle class) at E (mga hikahos), eh si Marcos ang ibinoto?
Bakit hindi nakuha ng dating basurero na si Mayor Isko Moreno o ng dating panadero na si Sen. Manny Pacquiao, ang tiwala ang mga “E?” Ang sinasabing mga nag-iisip at may kaya na “ABC,” bakit hindi tumodo kay VP Leni Rodredo?
Mapapa-bakit ka rin na sa kabila ng “star power” na ibinuhos ng mga sikat na artista na milyon-milyon ang followers sa social media, hindi pa rin nagbago ang trend ng pagpili ng mga tao sa iboboto?
Kapansin-pansin nga na marami sa mga followers ng mga sikat na supporters ni Leni, kapag nagkomento ay kay Marcos pa rin sila. Kung sasabihin na trolls ang mga nagkokomento, aba’y marami silang ganun ang linya.
Ano rin kaya ang nangyari sa daan-daang libo na dumalo sa mga rally ni Robredo? Ibinida pa nila ang crowd at ikinukumpara sa rally ng ibang kandidato. Totoo kaya ang “salsanalist” ng ibang kurimaw natin na hindi naging maganda ang simula ng kampanya ni Leni dahil sa pagpapalit ng “kulay” at pagpili kay Sen. Kiko Pangilinan na maging VP bet niya?
Nang kunin kasi niyang VP si Kiko, nagkalamat ang relasyon ng misis nitong si Sharon Cuneta sa pamilya ng nanay-nanayan nitong si Helen Gamboa, dahil nauna nang nagdeklarang tatakbong VP ang mister niya na si Senate President Tito Sotto.
Kahit natalo si TitoSen, marami pa rin ang hanga sa kanila ng kaniyang presidential bet na si Sen. Ping Lacson. Bukod kasi sa “disente” ang inilunsad nilang kampanya, maluwag nilang tinanggap ang “pasya” ng mga tao at sumabak na uli sa trabaho.
Iyon nga lang, hindi pa handa ang mga tao na “itaas” ang uri ng kampanya kung saan malinaw ilalatag ng mga kandidato ang kanilang plataporma. Makikita naman kay Marcos na walang dinaluhang debate pero ibinoto pa rin ng mga tao.
Samantalang pagdating naman sa drama sa kampanya, mukhang may binabagayan din ito kapag felling emo ang kandidato. May mga na-turn off din kasi sa pag-iyak-iyak ni Kiko mula sa pagsisimula ng kaniyang kandidatura hanggang sa panahon ng kampanya.
Pero anuman ang nangyari, kailangang tanggapin ika nga ang pasya ng mas nakararami alinsunod sa diwa ng “demokrasya.” Pero bukod sa pasya ng nakararami, hindi rin siguro mapipigilan ang isa pang ika nga–ang destiny.
Kung destiny ni Marcos na maging presidente, ano naman kaya ang destiny na naghihintay sa bansa natin sa ilalim ng kaniyang pamumuno? Aba’y let’s wait and see. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”
The post Si Dayunyor ang sakalam first appeared on Abante Tonite.
0 Comments