10 Tau Gamma brod kalaboso sa hazing

Dinampot ng mga awtoridad ang 10 katao na sangkot diumano sa Tau Gamma Phi fraternity hazing na ikinamatay ng isang estudyante sa Kalayaan, Laguna.

Nasakote ang mga suspek sa sunod-sunod na manhunt operation na ikinasa ng Kalayaan Municipal Police Station noong Huwebes, Hunyo 2.

Unang naaresto ng mga pulis dakong alas-6:45 ng gabi sa kanilang tinitirhan sa Barangay San Juan, Kalayaan ang mga akusadong sina Leo Duco, 20, at Paulo Lacaocao, 23.

Sumunod namang inaresto dakong alas-otso ng gabi sa Purok 1, Barangay SAN Juan ang mga akusadong sina Kevin Perez, 23, construction worker; Jerwin Caraig, 25, at Osama Sotomayor, 20.

Naaresto rin ang lima pang akusado na sina Johndel Ponce, 26, site engineer ng isang telecommunications company; Art Jay Nadal, 19; Wilson Maestrado, 31; Kris Cabiscuelas, 25; at Kirby Galero, 23, pawang mga residente ng Barangay San Juan.

Isinagawa ang manhunt operation sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 28 sa Sta. Cruz, Laguna para sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018.

Sinampahan ng kaso ang mga naarestong suspek noong Mayo 4 kasama ang iba pang akusado na sina Simeon Rabin Mercado Jr. na siyang chairman ng Tau Gamma Phi na nagsagawa ng hazing; Richard Dimaranan Jr., vice chairman–internal; at Vernon Rabutazo, master wielder of the whip– External, na pawang mga opisyal din ng Kalayaan Council ng nasabing fraternity.

Matatandaang nangyari ang hazing noong Marso 20, 2022, sa Twin Falls sa Barangay San Juan, Kalayaan kung saan sumailalim umano sa initiation rites ng Tau Gama Phi at nagtamo ng severe physical injuries ang biktima na si Reymarc Rabutazo alyas `RR’, 18-anyos, senior high school student, at residente ng nasabing bayan, na naging sanhi ng pagkamatay nito.

“Ito ay patunay sa pagpapatupad ng pamahalaan ng batas nang may buong puwersa at lakas laban sa hazing,” ayon naman kay Laguna Police Provincial director Col. Cecilio Ison Jr. kaugnay sa pagkakadakip ng mga suspek. (Ronilo Dagos)

The post 10 Tau Gamma brod kalaboso sa hazing first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments