Bentahan ng marijuana sa Maynila buking, 8 tiklo

Arestado ng mga pulis ang walong katao, kabilang na ang target na drug pusher, sa isinagawang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Maynila nitong Sabado nang madaling-araw.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 ang pangunahing suspek na kinilalang si Romeo Morales y Castro, 35, miyembro ng Commando Gang at residente ng Tondo, Maynila.

Kasama ring nasakote sa isinagawang operasyon ang pitong kasamahan niya na kinilalang sina Michael Jordan, 31; Jeremy Gestiada, 25; Keith Iver Mendigo, 21; Ronaldo Gonzales, 55; Cholo Pio Lorenzo, 22; John Lloyd Bautista, 24; at Jonas De Leon, 21, na pawang sasampahan din ng kaparehong kaso.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant (PEMS) Rommel Rey, team leader ng Manila Police District-Station 3, dakong alas-12:30 ng hatinggabi nang ikasa nila ang buy-bust operation sa Aurora Boulevard malapit sa panulukan ng Avenida Rizal sa Sta. Cruz, Maynila.

Nalaman na isang concerned citizen umano ang tumawag sa kanilang himpilan at isinumbong ang talamak na bentahan ng marijuana sa nabanggit na lugar.

Isang nagpanggap na bibili ng marijuana ang ipinain ng mga awtoridad at nang iabot na dito ang marijuana ay saka inaresto ang mga suspek.

Narekober pa ng mga pulis ang nasa 400 gramo ng marijuana na nagkalahalaga ng P48,000 at isang isang Yamaha NMax.(Juliet de Loza-Cudia)

The post Bentahan ng marijuana sa Maynila buking, 8 tiklo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments