Diokno itutuloy diskarte sa buwis ni Digong

Isusulong ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang mga pagbabago sa buwis na naiwan ng administrasyong Duterte at susuportahan ang pagbubuwis sa mga digital services at online transactions.

“Iyong tax on digital services, I think it’s only fair na dapat ita-tax natin iyon, hindi ba? Kasi if you’re going to buy from the regular stores, nagta-tax ka. Bakit naman kapag digital hindi ka magta-tax,” sabi ni Diokno.

Sabi ng DOF, hindi pagdadagdag ng buwis ang sinusulong na pagbabago sa buwis ng nakaraang administrasyon sapagkat ito ay revenue-neutral o hindi magdadag­dag o magbabawas ng koleksiyon sa buwis. Sabi ni Diokno, gagawin nitong simple ang sistema ng pagbubuwis at hindi ito dagdag sa koleksiyon.

Isa sa mga pagbabago ay ang real property valuation o ‘yung tungkol sa halaga ng mga lupa at ari-arian na siyang basehan ng mga binabayarang amilyar.

Itutulad lamang ito ani Diokno sa mga sistema sa ibang mga bansa para mas marami ang makokolektahan ng buwis ng mga national at local na pamahalaan.

Hindi nito patataasin ang buwis ngunit gagawin lamang nitong malinaw at maasahan ang pagbibigay ng halaga sa mga lupain na ayon sa tamang presyo sa merkado.

Nauna nang sinabi ni Diokno na tutol siya sa pagpapataw ng mga bagong buwis dahil mas gugustuhin niyang palakasin ang ekonomiya para mas marami ang makokolektang buwis ng pamahalaan.

Nakaraang Biyernes ay inanunsiyo ni Diokno na binababa na ng pamahalaan ang economic growth target ngayong taon sa 6.5-7.5% mula sa 7-8% target na tinakda nila sa economic team ng administrasyong Duterte noong Mayo 24. (Eileen Mencias)

The post Diokno itutuloy diskarte sa buwis ni Digong first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments