Mga fixer sa LTO walang sinasanto

Dalawang online fixer na nag-aalok ng serbisyo para sa non-appearance renewal ng motor vehicle registration sa social media ang inaresto ng Land Transport Office (LTO).

Ang dalawang inalat na fixer ay nagpoproseso umano ng mga transaksiyon sa LTO Novaliches District office sa Quezon City.

Nag-aalok daw ang mga ito ng non-appearance renewal ng motor vehicle registration transactions sa pamamagitan ng online payment at meet-up.

Dinakip ang mga fixer sa entrapment operation ng LTO kasama ang Intelligence Division (IID) at Quezon City-Diliman Anti-Cybercrime Team (QCDACT).

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Revised Penal Code on Estafa o Swindling at Ease of Doing Business at Efficient Government Service Delivery Act of 2018 laban sa dalawa.

Mabuti naman at nahuli ng LTO ang mg fixer na ito na nambibiktima ng mga motoristang ang hangad ay magkaroon ng lehitimong mga dokumentong manggagaling sa LTO.

Pero siyempre, paano nga ba napasok sa ganitong linya ang mga fixer na ito? Hindi kaya dahil sa may mga kakutsaba sila sa loob ng tanggapan ng LTO?

Sa tingin ko ay hindi maglalakas-loob ang mga fixer sa LTO kabilang ang dalawang nasukol kung wala sila kasapakat sa loob mismo ng tanggapan.

Ang kasabwat ng mga fixer ang dapat na trabahuhin ng LTO para magtuluy-tuloy na ang pagwalis sa mga nagsasamantala sa mga kababayan nating kadalasan ay naghahanap ng mabilis na transaksiyon pero sa mga sindikato o fixer bumabagsak.
Maliban sa mga online fixer, nagkalat pa rin ang mga fixer sa labas ng tanggapan ng LTO na animo’y mga nakikipaghabulan sa mga sasakyan lalo na riyan sa bahagi ng Novaliches -LTO.

Aakalain mo ngang mga traffic enforcer ang mga ito dahil mas daig pa nila ang mga enforcer kung makahawi ng mga dumadaang sasakyan sa pag-asang makakuha ng mabubudol.

Pero sa dami ng mga fixer sa LTO araw-araw na nagkalat, imposibleng hindi sila nakikita ng mga awtoridad lalo na ng mga taga-LTO.

O maaring nagbubulag-bulagan lamang ang mga taga-LTO sa diskarte ng mga fixer dahil may kasabwat sila sa mga ito?
Hangga’t hindi naghihigpit ang LTO sa mga pakalat-kalat na fixer malapit sa kanilang mga bisinidad ay hindi mauubos ang mga ito at makapambibiktima ng mas maraming motorista.

Kaya isang hamon ang nais nating iparating sa bagong pamunuan ng LTO at ito ay ang pagwalis sa mga fixer sa lahat ng ahensya ng LTO sa buong bansa lalo na sa Metro Manila upang maging maganda naman ang kapaligiran ng mga tanggapan ng LTO at hindi nababakuran ng sandamakmak na mga fixer.

The post Mga fixer sa LTO walang sinasanto first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments