5 timbog sa kinidnap na Malaysian

Lima ang arestado nang makorner sa pagdukot sa isang negosyanteng Malaysian national nitong Miyerkules ng madaling araw sa Bamban, Tarlac ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) kahapon.

Kinilala ni PNP chief General Rodolfo Azurin Jr., ang mga naarestong suspek na sina Carmelito de la Cruz, 58; Alexander Sumagay, 40; John Rey Valderama, 26, at Obet Endrada Tobias, 40, pawang mga Pinoy; at isang Malaysian na umano’y lider ng grupo na si Der Jien Chiw, 33-anyos.

Sa ulat na ipinadala ng PNP kahapon, naganap ang insidente alas-12:30 ng madaling araw.

Minamaneho ng biktimang negosyanteng Malaysian national na sadyang hindi na pinangalanan ng pulisya ang kanyang Ford SUV mula sa kanyang pinapasukang establisimento.

Habang bumabagtas sa kahabaan ng Barangay Anapul ng nasabing bayan ay bigla na lang itong hinarang ng isang SUV lulan ang mga suspek. Tatlo sa mga ito ay kinomander ang sasakyan ng biktima.

Tiyempong nakita ng security guard ng pinapasukang establisyimento ng biktima ang komosyon dahilan upang agad itong tumawag sa Bamban MPS na mabilis namang rumesponde at nadakip ang mga suspek.

“Due to swift action of our PNP personnel, the victim was successfully rescued and the five suspects were apprehended. The PNP will conduct further investigation to verify the motive and involvement of arrested personalities,” pahayag ni Azurin sa kanyang statement kahapon.

Sa ngayon ay nasa kustodya na ng Bamban MPS ang mga suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Edwin Balasa)

The post 5 timbog sa kinidnap na Malaysian first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments