Tinukuran ng isang consumer group ang pakikipagtambalan ng Grab Philippines sa motorcycle taxi firm na MoveIt dahil aniya’y makatutulong ito upang lalong maibsan ang paghihirap sa pagbibiyahe ng mga Pinoy commuter, lalo na sa Metro Manila.
Ayon sa Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3), ang investment deal sa pagitan ng Grab at MoveIt ay isang magandang balita rin para sa mga motorcycle taxi driver na nakadepende ang kita at kabuhayan sa iba’t ibang ride-hailing apps.
Ang motorcycle taxi ay nasa proseso na ng pagsasa-legal bilang isang anyo ng public transportation at ang operasyon ng mga ito sa kasalukuyan ay isang pilot study pa lamang.
Sinabi ng BK3 na ang nasabing deal ay magreresulta sa pagkakaroon ng karagdagang 6,000 partner-rider mula sa humigit-kumulang na 1,000 MoveIt rider sa ngayon.
“Malaki ang tulong nito sa gitna ng araw-araw na kalbaryong dinadaanan ng ordinaryong Pilipino. Bukod sa hirap at pagod sa trabaho, kailangan pa nilang maglaan ng ilang oras, pumila nang mahaba, makipagsiksikan at makipag-agawan, at tumayo nang matagal sa paghihintay ng masasakyan,” ani BK3 convenor Prof. Louie C. Montemar.
Para sa convenor ng BK3, ang Grab-MoveIt investment deal ay isang pagmamalas ng “tunay na malasakit sa ating mga kababayan na araw-araw na sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.”
The post Mga commuter, driver wagi sa tambalan ng 2 motorcycle taxi first appeared on Abante Tonite.
0 Comments