Maluwag na ang galawan vs COVID sa Pasko – DOH

Hinimok kahapon ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 bago pa sumapit ang Kapaskuhan dahil luluwagan na ang mga ipinatupad na paghihigpit bunsod ng pandemya.

“Sa darating na kapaskuhan, wala po tayong restrictions na. Base sa alert level system natin, halos lahat ng local governments nasa alert level 1,” sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa press briefing na ginanap nitong Biyernes.

Kung kaya’t mahigpit aniyang nirerekomenda ng DOH sa publiko na magpabakuna o booster para mas protektado laban sa COVID-19 ngayong magiging maluwag na ang galawan ng mga tao.

Babala pa ni Vergeire na “high risk” sa hawaan ng COVID-19 ang mga seleberasyon ngayong Kapaskuhan katulad ng mga reunion.

Samantala, iminungkahi rin ng DOH na manatili ang emergency response laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng state of calamity sa Disyembre 2022.

Ayon kay Vergeire, nagsumite na sila sa Kamara ng panukalang Public Health Emergency for Emerging and Reemerging Disease.

Sabi ni Vergeire, isa ito sa mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-usapan sa kauna-unahang pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) noong Oktubre 10.

“In this bill you’d find the different components, kung ano `yung dapat ginagawa natin even if wala tayong state of calamity, magagawa pa rin natin,” ani Vergeire.

Katulad aniya ng pagbili ng bakuna kontra COVID-19, pagkakaloob ng mga benepisyo para sa mga health worker, at diskwento sa mga gamot na ginagamit laban sa coronavirus.

The post Maluwag na ang galawan vs COVID sa Pasko – DOH first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments