Inirekomenda ng Department of Health (DOH) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawiging muli ang COVID-19 state of calamity sa bansa. Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na nagsumite na sila ng memorandum kay PBBM para hilingin palawigin nitong muli ang state of calamity sa COVID-19, na nakatakda nang magtapos sa Disyembre 31.
Binigyan-diin ni Vergeire, ang paghiling sa ekstensyon ay isinagawa nila matapos na hindi kaagad maipasa ang panukalang batas na lumilikha ng Philippine Center for Disease Prevention and Control, na siyang magpapatuloy ng mga programa ng bansa para sa COVID-19 response. Hinihintay na lamang umano nila ang opisyal na tugon ng tanggapan ng Pangulo sa kanilang kahilingan.
Una nang nilagdaan noong Marso 2020 ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 922, na nagdedeklara ng state of public health emergency sa bansa, dahil sa COVID-19 outbreak.
Pinalawig naman ni Marcos ang state of calamity sa bansa noong Setyembre hanggang sa katapusan ng taong 2022. (Juliet de Loza-Cudia)
The post DOH: COVID state of calamity ‘wag lusawin first appeared on Abante Tonite.
0 Comments