LRT may libreng sakay sa Rizal Day

Hahandugan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng libreng sakay ang kanilang mga parokyano sa Rizal Day, Disyembre 30, Biyernes.

Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), ang libreng sakay ng LRT-2 ay ipatutupad mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-nuwebe ng umaga at mula alas-singko ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi.

“Bilang paggunita sa Rizal Day, may handog na LIBRENG SAKAY ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Biyernes, ika-30 ng Disyembre, mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM,” anang LRTA, sa isang advisory kahapon.

Nabatid na ang unang­ tren ng LRT-2 mula sa Recto at Antipolo Stations ay aalis ng alas-singko ng madaling-araw.
Ang huling tren naman mula sa Antipolo Station ay aalis ng alas-nuwebe ng gabi habang alas-9:30 ng gabi naman ang last trip sa Recto Station.

Nabatid na ang pagkakaloob ng libreng sakay ay bilang pakikiisa ng LRTA sa mga Pilipino sa paggunita at pag-alala sa kabayanihan ni Gat Jose Rizal.

Kaugnay nito, pinaalalahanan muli ng LRTA ang mga pasahero na sumunod pa rin sa health, safety at security protocols para makaiwas sa COVID-19 at sakuna. (Dolly Cabreza)

The post LRT may libreng sakay sa Rizal Day first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments