Nanawagan ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa pamahalaan na habambuhay nang ipahinto ang pag-aangkat ng isda sa bansa.
Kasunod ito ng pagsuspinde kamakailan ng Department of Agriculture (DA) sa pag-iisyu ng sanitary and phytosanitary import clearance (SPIC) para sa galunggong, mackerel, moonfish, pompano at tuna by-products.
Sinuspinde ng DA ang SPIC para sa canning, processing at mga institutional buyer ng mga naturang isda katulad ng mga hotel at restaurant upang maiwasan diumano ang paglilipat ng mga produkto sa wet market o palengke.
Ang suspensyon ng SPIC ay alinsunod sa Fisheries Administrative Order No. 195 series of 1999.
Ikinatuwa ng grupo ang ipinatupad na suspensyon ng DA ngunit sinabi ng Pamalakaya na mas maganda kung maging permanente na ang pagbabawal sa pag-angkat ng isda.
“The government’s problem of imported fish entering into wet markets would be solved if there are no importation policies in the first place,” pahayag ni Pamalakaya national spokesperson Ronnel Arambulo.
Muli rin nilang inulit ang hiling na suporta ng gobyerno para sa local fishing industry sa pamamagitan ng production subsidy at pagtiyak sa mga eksklusibong karapatan ng mga mangingisdang Pilipino sa kanilang pinangingisdaan. (Issa Santiago)
The post Grupo ng mangingisda: Import ban gawing permanente first appeared on Abante Tonite.
0 Comments