San Miguel tinigil suplay ng kuryente sa Meralco

Titigil na ang San Miguel Global Power sa pagsuplay ng 670 megawatts ng kuryente sa Manila Electric Company (Meralco) ngayong araw.

Ayon sa pahayag ng SMC, sinabihan na nito ang Meralco na hindi na ito magsusuplay ng kuryente sa ilalim ng power supply agreement.

Paliwanag ng SMC, ito ay pagpapatupad lamang ng notice of resolution ng Court of Appeals (CA) at sa Temporary Restraining Order (TRO) nito.

“The cessation of supply, covered by the resolution and the TRO, is immediately executory,” sabi pa ng SMC.

Sa pahayag ni SMC President and Chief Executive Officer Ramon S. Ang, hindi ginusto ng kompanyang putulin ang kontrata sa Meralco kaya ito dumulog sa Energy Regulatory Commission (ERC) para mapayagang magtaas ng singil dahil nagmahal ang gastos sa mga panggatong na kailangan para tumakbo ang planta. Dumulog ang SMC sa CA nang ibasura ng ERC ang petisyon.

Sabi ni Ang, “the power firm did not want to have to terminate the PSA and that was why it was seeking just a temporary, six-month relief.” Sa pamamagitan kasi nito, maiibsan ang lugi ng Ilijan Power Plant na nadagdagan pa nang limitahan ng pamahalaan ang suplay ng Malampaya. Naobliga tuloy bumili ng kuryente ang South Premier Power Plant sa Wholesale Electricity Spot Market kaya lalo pang nagmahal ang gastos ng kompanya para sa kur­yenteng sinusuplay nito sa Meralco.

Ayon sa SMC, karapatan nitong putulin ang PSA nito sakaling magkaroon ng pag-iiba ng mga sitwasyon na nakasaad naman sa kontrata. (Eileen Mencias)­

The post San Miguel tinigil suplay ng kuryente sa Meralco first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments