Totoy inumbag, hinataw ng bato sa ulo ng 4 bagets

Binawian na ng buhay ang grade 9 student matapos ma-coma ng isang linggo sa ospital nang pagtulungang bugbugin ng apat na teenager sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District Brig. Gen. Nicolas Torre III, ang biktimang si JayCris Galindez, 14, estudyante ng San Bartolome High School, taga-Brgy. Gulod, Novaliches, QC.

Nasa kostudya naman ng mga awtoridad ang apat na nambugbog at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila, kabilang ang isang Joselito Valeriano, 18.

Si Valeriano at ang kanyang tatlong kasamahan na nasa edad 15 hanggang 17, ang sinasabing nambugbog kay Galindez, sa harap ng San Bartolome High School sa Brgy. San Bartolome, Novaliches, noong Nobyembre 18 alas-siyete ng gabi.

Hindi pa umano nakuntento, kumuha pa ng malaking tipak na bato ang grupo at ipinalo sa ulo ni Galindez.

Bagamat hinang-hina ay nakauwi pa ang ang biktima sa kanilang bahay at isinumbong sa pamilya ang ginawa ng mga suspek pero makalipas lamang ang ilang minuto ay isinugod siya ng kanyang mga magulang sa East Avenue Medical Center matapos magreklamo ng matinding pananakit ng ulo.

Si Valeriano ay nanatili sa kustodiya ng pulisya habang ang kanyang mga kasamahan na pawang mga menor de edad ay itinurn-over sa mga social worker ng lungsod. (Dolly Cabreza)

The post Totoy inumbag, hinataw ng bato sa ulo ng 4 bagets first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments