Grace Poe diniin CAAP

Maraming dapat ipaliwanag ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na ang mga nakatoka sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), matapos ang airspace shutdown noong Bagong Taon kung saan tinatayang 65,000 pasahero ang na-stranded.

Narinig na natin ang panig ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at ang kampo ni dating Secretary Arthur Tugade. Lumalabas pa na parang nagsisisihan ang magkabilang panig.

Kaya naman sang-ayon tayo sa inisyatiba ni Senador Grace Poe na mapaimbestigahan sa Senate committee on public services ang nangyaring aberya sa pangunahing paliparan sa bansa.

Sabi ni Sen. Poe, gusto niyang malaman kung maituturing na national security problem ang NAIA glitch. “In an airport setting, the impact of such a system failure can be catastrophic,” sambit ng senadora.

Kamakailan lamang ay kinalampag ng senadora ang lagay ng air transportation sa bansa. Pero imbes na masolusyunan ito, lumitaw ang bagong problema noong New Year.

“New Year, old problems. We were optimistic that the new year would spur change for the better, but it seems that our air transport’s new year’s resolution has been broken on the first day of the year,” saad ni Sen. Poe.

Inaasahang matatalakay sa imbestigasyon ang Air Passenger Bill of Rights. Ilan sa mga katanungan ay kung nag-anunsyo agad ng kanselasyon ng flight o pinayagan ang mga pasahero na mag-rebook.

Malamang na tatanungin din si Sec. Bautista sa sinabi nitong hindi kargo ng DOTr o ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na mag-refund sa mga nakanselang biyahe ng mga pasahero.

Masaklap nga naman kung ang mga airline ang sasagot dito sa aberyang hindi naman sila ang may gawa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng aberya sa NAIA. Sinabi ni Sen. Poe na noong nakaraang Setyembre lamang, nagkaroon ng isang oras na power outage sa Terminal 3 na nakaapekto sa 30 local at international flights sa paliparan.

Isa pang anggulo na maaaring halukayin sa pagdinig ay kung nagkaroon ba ng coverup sa tunay na sanhi ng aberya. Unang sinisisi ang Communications, Navigation, Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) Systems na dapat daw i-upgrade na.

Mga tsong, noong Enero 2018 lamang ito pinasinayaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Tugade. Ang proyektong ito ay pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Hindi naman ito katulad ng iPhone na makalipas lang ng isa o dalawang taon ay nasasapawan na ng bagong modelo.

Sa gagawing pagdinig ng komite ni Poe, malilinawan ang publiko kung ano ba talaga ang nangyari sa NAIA noong Enero 1.

Pero ngayon pa lamang, may sapantaha na si Sen. Poe na ang CAAP ang madidiin sa NAIA aberya.

The post Grace Poe diniin CAAP first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments