Haponesa timbog sa ATM scam

Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Japanese national na wanted ng mga awtoridad sa Tokyo dahil sa scam.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Commissioner Norman Tansingco na dinakip ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit ang 26-anyos na si Risa Yamada sa Roxas Boulevard, Pasay City noong Enero 9.

Isang mission order ang inisyu ng BI chief para sa pag-aresto kay Yamada sa kahilingan ng mga awtoridad ng Japan.

Ayon kay Tansingco, ipapa-deport ang suspek at hindi na papayagan makapasok pa sa bansa bilang isang undesirable alien.

Nabatid na may arrest warrant laban kay Risa na inisyu ng Tokyo Summary Court noong Setyembre 15, 2022 para sa kasong pagnanakaw.

Nakipagsabwatan diumano si Risa sa iba pang suspek para sa pagnanakaw ng data mula sa ATM card ng kanilang mga biktima. Nagawa umano ito ng mga suspek sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga pulis at empleyado ng bangko.

Sinabi rin ng BI na isa nang undocumented alien si Risa dahil kinansela ng gobyerno ng Japan ang kanyang pasaporte.

Ikinulong si Risa sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang dinidinig ng BI ang pagpapa-deport sa kanya. (Betchai Julian)

The post Haponesa timbog sa ATM scam first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments