Nag-iingat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa usapin ng planong pagdagdag ng apat na lugar para sa sa joint maritime patrol sa South China Sea sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos.
Sa panayam ng media sa pangulo habang sakay ng eroplano pabalik sa Pilipinas mula sa Japan, masusing pinag-aaralan aniya ng gobyerno ang usapin dahil ayaw niyang maging mitsa ito ng tensyon sa South China Sea.
Magpapatawag umano ang pangulo ng command conference at pagpapasyahan kung itutuloy ang pagdaragdag ng apat na lugar para sa joint maritime patrol.
“Pinag-aaralan natin. Malapit na `yan. I will have a command conference and we will decide once and for all, and we will announce it,” sabi ng pangulo.
Sinabi ng pangulo na dapat maging maingat ang gobyerno dahil iniiwasang tumaas ang tensyon mula sa mga kapitbahay na bansa.
“Gusto natin ay mapayapa at hindi magulo at may safe passage. Eh kung tayo ba ang gagawa ng…we will instigate and increase the tensions eh, `yun ang talagang dapat nating iwasan,” dagdag ng pangulo. (Aileen Taliping)
The post PBBM ayaw sumiklab ang gulo sa South China Sea first appeared on Abante Tonite.
0 Comments