Cambodia SEA Games Torch Relay kuminang sa Tagaytay

Nagbalik ang espiritu at piyesta ng Southeast Asian Games sa Tagaytay City sa malamig at mahanging Lunes ng umaga na nilahukan ng mga atleta, opisyal sa sports ng ‘Pinas at dayuhang opisyal ng ibang bansa sa pagdiriwang ng Torch Relay sa pagtataguyod ng Cambodia sa pang-32 edisyon ng paligsahan sa Mayo.

Mula kina Cambodia’s Tourism Minister Hor Sarun, pa-Cambodian Ambassador to the Philippines Phan Peuv, pinasa ang tanglaw kay Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol’ Tolentino, na nagbalik bilang Tagaytay Mayor pagkaraang itaguyod ng lungsod ang cycling at skateboarding ng PH 30th SEA Games 2019.

“We warmly welcome the SEA Games Torch which is now celebrating Cambodia’s first-time hosting of the games,” bulalas ni Tolentino. “Just like in our SEA Games hosting in 2019, we value this celebration not only for sports but for peace and camaraderie in the region.”

Nilarga ang Torch Relay sa De los Reyes Avenue sa harapan ng Tagaytay City BMX and Skate Park, tumahak sa Mahogany Road at bumalik sa Start/Finish area sa pagruta rin sa Isaac Tolentino Avenue.

Binitbit rin ng mga atleta ng cycling, taekwondo, football, kickboxing at boxing ang sulo kasama sina Philippine Paralymic Committee head Mike Barredo at Commissioner Walter Torres ng Philippine Sports Commission.

Tianggap ni Team Philippines chef de mission to the Cambodia SEA Games Chito Loyzaga ang torch para sa penultimate 14th station bago kinumpleto ng Cambodian delegation ang seremonya na may mala-piyestang mga musika na kaloob ng Tagaytay City drum and bugle band.

Nakatakda ang Cambodia SEA Games sa May 5-17 kung san magpapadala ang ‘Pinas ng delegasyon ng 840 atleta na kakasa sa 608 events sa 38 sports.

Ang motto ng host country para sa Games ay “Live in Peace” na para kay Tolentino: “Everybody will be competing for medal, but that’s secondary. Building friendship among Southeast Asian nations is the primary objective of the Games.”

Sinimulan ng Cambodia ang Torch Relay noong Miyerkoles sa World Heritage Site Angkor Wat sa Siem Reap at pinasa sa 2022 SEAG host Vietnam.

Mula ‘Pinas, dadalhin ang tanglaw sa Brunei, Timor Leste, Malaysia, Singapore, Thailand, Myanmar at Laos saka babalik ng Cambodia sa Abril 27.

May haba ang torch na 75 sentimetro at lampas isang kilo ang bigat. Dinisenyuhan ang ibabaw nitong Romdoul na kumakatawan sa simbolo ng pambansang bulaklak sa Kaharian ng Cambodia at ang balot nitong ginto’y kumakatawan sa bansa at mamayan nila na kayang magtagumpay. (Abante TONITE Sports)

The post Cambodia SEA Games Torch Relay kuminang sa Tagaytay first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments