Dagdag gastos sa delivery ng mga online seller

Hindi marahil napapansin ng mga mahilig mag-online shopping na mayroon ng handling fee ang delivery ng kanilang mga inorder na produkto.

Dati ay walang ganitong bayad sa mga binibili sa online stores pero kalaunan ay mayroon ng mga extra na binabayaran ang mga customer.

Hindi rin pare-pareho ang rate ng handling fee na naglalaro sa walong piso, limang piso at tatlong piso na hindi naman naipaliwanag ng dalawang kilalang malaking online company.

Dati ay shipping fee lamang ang binabayaran bukod sa presyo ng binayarang produkto pero ngayon ay lumitaw ang handling fee sa mga binili online.

Wala namang magagawa ang mga customer kahit ayaw magbayad ng handling fee dahil kapag naorder na ang gustong produkto ay kasama na ito sa total bill.

Ang gusto lang naman ng mga online customer ay magsabi ang kompanya kung para saan ang handling fee dahil mayroon na rin namang shipping fee na binabayaran sa bawat order.

Ang handling fee ba ay para sa mga rider na nagde-deliver ng order? Hindi ba may kumpanyang nangangasiwa sa shipping ng online orders?

Anong ahensiya ba ng gobyerno ang dapat na kumilos sa ganitong isyu dahil kahit papiso-piso lang yan ay kabawasan pa rin sa budget ng mga customer.

Hindi naman malaking abala sa online companies ang mag-abiso ng dagdag na singilin kung kinakailangan, ang mahalaga ay maipaalam lang kung para saan ang dagdag na singil.

Baka bukas o makalawa ay mayroon na namang madagdag na singil sa mga binibili online kaya siguro naman dapat itong ipaalam sa mga customer para alam kung para saan ang dagdag na binabayaran sa kanila.

The post Dagdag gastos sa delivery ng mga online seller first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments