Pista ng ‘Anunsyasyon’

Ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing Marso 25 ang Pista ng ‘Anunsyasyon’ o ‘Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon’. Ang nasabing solemnidad ay isang ‘Holiday of Obligation’ para sa mga Katoliko noon gayunman, mula Siglo XIX, sanhi ng sekularisayon ng maraming bansa, di na iginiit ng Iglesya ang obligasyong magsimba sa araw na ito.

Ginugunita sa nasabing Pista ang araw ng pagbabalita ni Anghel Gabriel sa Mahal na Birhen ukol sa pagkakatawang-tao ng Verbo at ang paghirang sa kanya bilang ‘Ina ng Diyos’. Sinabi ng anghel kay Maria: “Maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Hesus. Magiging dakila Siya at tatawagin Siyang Anak ng Kataas-taasan.” (Cfr. Lucas 1:26-38).

Nagulumihanan ang Birhen sa narinig sa anghel. Nabagabag at natakot siya sapagkat hindi madaling unawain ang mga salitang narinig. Gayunpaman, nangibabaw pa rin ang kanyang pananalig kaya’t kanyang tinanggap ang nasabing plano ng Diyos. Sa kanyang pananalig at pananampalataya, inialay ng Birhen ang sarili sa katuparan ng plano ng kaligtasan.

Nangyari ang dakilang propesiya nang tanggapin ng Mahal na Birhen ang paanyaya sa kanya ng Langit. Taglay ang malalim na pananampalataya ni Abraham, buong loob na nanalig si Maria na totoong walang imposible sa Diyos. Umasa siya, hindi sa sariling kaalaman o talino kundi sa salita ng Diyos! Ang kanyang ‘Oo’ sa kalooban ng Ama ay tumatayong hamon sa atin na lubos na magtiwala sa Diyos.

Giit ng Simbahan, “Jesus became incarnate in her womb by the power of the Holy Spirit.” Sa pagpapakumbaba at pananampalataya ni Maria nagkatawang tao ang Verbo at nanahan sa atin (Jn 1:14) “We celebrate Christmas with great pomp and ceremony without realizing that the Incarnation began earlier. God was hidden in the silence and darkness of Mary’s womb for nine months.”

Pinararangalan natin ang pagkakatawang-tao ng Diyos tuwing sinasambit natin ang ‘Angelus’ o Orasyon at pinagninilayan ang nasabing tagpo ng Anunsyasyon sa pagdarasal ng Rosaryo. Nawa tularan natin ang malalım na pananalig ng Mahal na Birhen lalo na ngayong panahon ng kaliwa’t kanang krisis. Sa gitna ng walang kasuguruhan sa kinabukasan, patuloy tayong mapagpakumbabang kumapit sa Diyos at sumunod sa Kanyang kalooban.

Sa halimbawa ni Maria, maging bukas nawa ang ating mga sarili upang matupad at maging kabahagi tayo ng plano ng Diyos. Isilang din nawa natin si Hesus sa ating mga buhay upang tayo’y maging tunay na mga saksi. Sa huli, Saad ng Simbahan: “Today’s feast urges us not to be afraid! Because of Mary’s ‘Yes,’ God is with us!” Kaisa ni Maria sambitin natin mula sa kaibuturan ng ating mga puso: “Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.”

Birhen ng Anunsyasyon, Ipanalangin Mo kami!

The post Pista ng ‘Anunsyasyon’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments