Naging maayos at ligtas sa pangkalahatan ang mga pantalan sa paggunita ng Semana Santa ngayong 2023 at wala ring naitalang hindi magandang insidente sa mga port management office, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Base sa PPA, mula Abril 2-10 ay umabot na sa 1,628,950 ang bilang ng mga pasaherong naitala sa pantalan o 24% na mas mataas sa 1.3 milyon noong 2022.
Ayon kay PPA general manager Jay Santiago, bumabalik na sa pre-pandemic level ang bilang ng mga pasahero dahil na rin sa mas maluwag na restriksyon bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Sa ngayon po unti-unti na tayong nakakabangon mula sa pandemic kaya tumaas rin po `yung bilang ng mga kababayan natin na nagbiyahe para makauwi ngayong Semana Santa. Ito rin po `yung dahilan kaya’t 24/7 po kaming nakamonitor dahil mas kailangan tayo ng tao,” ani Santiago.
Nitong Semana Santa, bukod sa pagpapanatiling ligtas ng mga pantalan, nagbigay rin ang PPA ng ayuda sa mga pasahero na naghihintay ng kanilang mga biyahe tulad sa Port of Babak sa Davao na panglima sa pinakamaraming pasahero kung saan namigay sila ng libreng kape at lugaw sa mga biyahero.
“Ikinatutuwa po natin na walang nangyaring hindi maganda sa mga pantalan ngayong Holy Week, kung meron man po tayong reklamong natanggap ay ito lang po `yung sa mga hindi gumaganang online booking system ng mga shipping lines dyan sa Batangas port po at ipinagbigay alam na po natin ito sa Marina, pero so far, masasabi po natin na naging maayos at payapa po ang Semana Santa 2023,” dagdag ni Santiago.
The post PPA: Mga pantalan maayos biyahe sa Semana Santa first appeared on Abante Tonite.
0 Comments