Ang paggamit ng mga salitang ‘adik’, ‘durugista’ ay nakakapahamak ayon sa mga eksperto.
Bunga nito, inilunsad nitong Biyernes ang kauna-unahang media toolkit para gabayan ang mga Pilipinong mamamahayag sa pag-uulat ng isyu ng droga sa bansa.
Ang media toolkit na “Putting Persons First: Drug Reporting and the Media” ay isang publikasyon na nagtuturo ng makataong pag-uulat ng media sa isyu ng droga.
Ang pagpapasinaya ng media toolkit ay pinangunahan ng Drug Policy Reform Initiative (DPRI), ang grupo ng mga advocates na nagsusulong ng makataong polisiya sa Pilipinas.
“Ipinagmamalaki namin na ang media guide na ito ay ang kauna-unahang toolkit sa pag-ulat sa isyu ng droga sa bansa na isinulat sa lente ng harm reduction – ang paraan kung saan iniiwasan ang mga pamamahiya, diskriminasyon, at pamimilit sa mga napaparatangan,” sabi ni Atty. Kristine Mendoza, ang lead convener of DPRI.
Ang nasabing toolkit para sa mga mamamahayag ay naglalaman ng 24-pahina na masinsinang binuo kasama ang mga advocates at mga piling mamahayag upang maging praktikal na gabay sa pag-uulat sa iba’t ibang insidente ng droga tulad ng mga buy-bust operations, pag-aresto at pagsisiyasat. Nakasaad din dito na ang mga katagang “adik,” “durugista,” at “drug abuser” ay nakakabahala, nagpapahiya at nakakapinsala sa mga tao.
Bilang tugon sa alternatibong pamamaraan sa mga nakasanayang mga kataga, ang toolkit ay naghihimok sa mga mamamahayag na gamitin sa mga pag-uulat ang mga makataong kataga katulad ng ‘persons who use drugs’ or ‘persons whose lives include drugs.’
Ang naturang dokumento ay nagbibigay hamon sa mga mamamahayag na kwestyunin ang mga lumang paniniwala sa problema ng droga at gamitin ang lente ng siyensa at karapatang pantao sa kanilang mga ulat.
Hinihikayat ng DPRI ang mga mamamahayag na maging sensitibo sa kanilang mga pagtatanong sa mga tao at komunidad na apektado ng droga, at huwag samantalahin ang lungkot at trauma ng mga tao, bagkus ay maging malawak ang pang-unawa.
Ayon kay Mendoza, unahin at unawain ang kapakanan ng mga tao, at itulak ang katotohanan na walang pagdidiskrimina sa kalusugan at kaligtasan ng mga tao.
Ang kabuuan ng toolkit ay maaaring ma-download sa https://tinyurl.com/PuttingPersonsFirst.
The post Unang media toolkit sa drug report inilunsad first appeared on Abante Tonite.
0 Comments