2 dekadang nagtago sa China: Puganteng Int’l druglord laglag sa NBI

Ni Nancy Carvajal

Isang convicted high value drug lord na nakatakas sa Bureau of Corrections ng higit na sa dalawang dekada ang nadampot ng mga anti-drugs operatives ng National Bureau of Investigation kahapon ng umaga.

Muling nadagit ng NBI- Anti -Drugs Division operatives sa ilalim ni Acting Deputy Director Ruel Bolivar si Frank Chua, na may alyas na Tsai Jung Shui at Tsai Fan Yin, sa isang bahay sa Legarda, Maynila ilang oras paglapag nito sa bansa.

Si Chua na isang Taiwanese national at na-classify bilang Level-1 category international drug trafficker ay bumalik sa Pilipinas matapos ang ilang taong pagtatago sa China, ayon sa isang insider.

Ang kontrobersyal na pagtakas ni Chua mula sa state penitentiary 20-taon na ang nakalipas ay naging subject sa Senate Inquiry.

Taong 2004, habang nakakulong si Chua sa kinakaharap na life imprisonment for possession of 58 kilos of shabu ay pumuga ito.

Nauna rito’y nadakma ng grupo ni Bolivar noong Hulyo 4, 2003 si Chua sa kanyang restaurant sa Subic Freeport at nakulong sa Bucor pagkatapos masentensiyahan in absentia ng korte sa Ilocos Sur noong 1989.

Si Chua at apat na iba pa ay unang naaresto noong 1989 dahil sa pag-iingat ng shabu.

Sa kasagsagan ng paglilitis, nakatakas si Chua at ang kanyang tropa sa detention cell nila sa Vigan Ilocos Sur sa pamamagitan ng paghuhukay sa kanilang selda nang makatulog ang mga guwardiya na pinainom nila ng fruit juice na hinaluan ng Ativan.

The post 2 dekadang nagtago sa China: Puganteng Int’l druglord laglag sa NBI first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments