Binuro pondo sa libreng Wi-Fi

Mukhang may problema nga ang ating Department of Information and Communication Technology (DICT) sa paggamit ng pondo lalo na sa alokasyon para sa libreng Wi-Fi.

Mismong si House Committee on Appropriations chairperson at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co ang nakapansin ng kabagalan ng DICT sa paggamit ng pondong inilaan dito ng Kongreso.

Kaya naman nagprisinta na ang Kongreso na alalayan ang DICT sa procurement.

Sa katunayan ay binansagan pa itong usad pagong ni Cong. Zaldy.

Batay sa presentasyon ng DICT, wala pa itong nagagamit sa P2.4 bilyong pondo para sa libreng Wi-Fi sa mga pampublikong lugar at sa P50.6 milyong pondo para sa libreng Wi-Fi sa mga State Universities and Colleges.

Sa National Broadband Plan ay nakapag-obliga na ang DICT ng P41.6 milyon­ mula sa nakalaang P1.8 bilyong budget nito o 2.2%.

Ayon sa DICT marami itong problemang minana mula sa nakaraang administrasyon at kanila pa itong sinosolusyunan. Kabilang umano sa mga problemang ito ang mga naipatupad na proyekto kahit na walang napirmahang kontrata kaya hindi ito mabayaran ng ahensya.

‘Yun lang kung talagang may ganyang problema mahirap iarangkada ang iba pang proyekto.

Pero kung may proseso sa tingin natin ay hindi ito matutulad sa mga naunang kontratang hindi pirmado pero naisakatuparan kaya hindi nababayaran.

Hangga’t wala naman kasing hokus-pokus ay walang dapat kabahan.

Sumunod lang sa proseso tiyak na walang magiging problema sa pagsasakatuparan ng mga programa ng gobyerno.

Ang sinasabi natin ay hindi lang sa DICT kundi sa lahat ng ahensya ng gobyerno.

Kung sinusunod natin ang proseso, wala tayong nakikitang problema sa si­ngilan o alokasyon.

Sayang naman kasi ang inilalaang pondo ng Kongreso kung binuburo lang ang ibi­nibigay na pondo rito.

Binubusising mabuti ng Kongreso ang bawat pangangailangan ng lahat ng ahensya at departamento ng gobyerno kaya hindi dapat sinasayang ang oportunidad na ito, lalo na ang inilaang pondo para sa libreng Wi-Fi.

Marami tayong kababayan, kabilang ang mga estudyante ang dapat ay nakikinabang sa libreng Wi-Fi pero dahil sa kabiguan ng DICT na gampanan nang tama ang kanilang tungkulin ay naisasantabi ang programang dapat ay maghahatid ng benepisyo sa bawat Pilipino.

Sana ay matigil na ang kapalpakang ito ng mga ahensya ng gobyerno dahil kung hindi nila kayang gampanan ang kanilang tungkulin ay mag-alsa balutan na lamang sila at ipasa ang trabaho sa mas karapat-dapat sa puwesto.

The post Binuro pondo sa libreng Wi-Fi first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments