Pakistani na resort owner tsinugi

Patay ang isang Pakistani national na may-ari ng isang resort sa bayan ng Dinalupihan, Bataan matapos itong pagbabarilin ng dalawang suspek na nagpakilalang mga costumer ng resort kamakalawa sa nasabing bayan.

Naisugod pa sa pinakamalapit na ospital subalit idineklara na ring dead on arrival ang biktimang si Imran Akhtar, 44, may-ari ng Aryan resort sa Barangay Payumo ng nabanggit na bayan.

Sa ulat ni Police Lt. Col. Joel Aparejado, hepe ng Dinalupihan Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente alas-3:25 ng hapon nitong Martes nang dumating ang mga suspek sa nabanggit na resort at iparada ang kanilang motorsiklo na parehong walang plaka sa garahe ng resort na hindi abot ng CCTV camera.

Pumasok sa loob ng resort ang mga suspek at nagkunwaring magpapa-book nang makita nila ang biktima.

Ilang sandal pa ay umalingawngaw na ang sunod-sunod na putok ng baril at nakita na lang ng mga trabahador ng resort ang kanilang amo na nakahandusay at naliligo sa sariling dugo.

Agad na tumakas ang dalawang suspek lulan ng tig-isang motorsiklo.

Hustisya ang sigaw ng mga kamag-anak para sa pinaslang na biktima, na masusi ngayong iniimbestigahan ng pulisya para sa motibo at paglutas sa pamamaslang. (Edwin Balasa)

The post Pakistani na resort owner tsinugi first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments