Reyna ng Aliwan nagbabalik

Inanunsiyo kamakailan ng pamunuan ng Manila Broadcasting Company (MBC) ang pagbabalik ng Aliwan Fiesta, makaraan ang apat na taon. Gaganapin ito sa ika-13 hanggang ika-15 ng Hulyo, kasabay na rin ng anibersaryo ng DZRH.

Ang malawakang kapistahan na nagbubuklod sa iba’t-ibang kampeong mananayaw mula sa mga kilalang pista sa mga lalawigan ay unang itinanghal noong 2003, subalit huling ginanap noong 2019 bago dumating ang pandemya.

Sa mga nakaraang tatlong taon, bumaling ang MBC sa kanilang digital platforms upang mapanatili ang interes ng publiko sa gitna nga mahigpit na labanan ng mga broadcast network. ng MBC.

Sa paglulunsad ng pagbabalik ng Aliwan Fiesta dumalo ang mga Reyna ng Aliwan na sina Jamie Herrell (2013) at Marla Alforque (2017) kasama ng mga naging Aliwan Fiesta Digital Queen na sina Jannarie Zarzoso (2020) at Marikit Manaois (2022). Ngayong taong ito sino kaya ang bagong makakasungkit ng korona?

Paalala sa mga LGU na nais ipadala ang kanilang mga champion streetdance contingents at batikang floatmakers para lumaban sa Aliwan Fiesta 2023, sa June 16 na ang deadline ng pagpa-rehistro.

Muling nilalayon ng Manila Broadcasting Company na bigyang pansin ang mga pagtatanghal na naglalahad ng katutubong kalinangan at mga tradisyon sa iba’t-ibang rehiyon. Dapat maging makatotohanan ito sa paggamit nga mga elemento ng kultura ng iba’t-ibang lugar, kasama na ang panitikan, kuwentong-bayan, at iba pa. Dalawang magkaibang kapistahan ang maaring isali ng bawat lalawigan.

Ang mga sasali sa float competition naman ay dapat mailarawan ang ekonomiya ng mga rehiyon, batay sa kanilang mga produkto, turismo, at ikinabubuhay ng mga mamamayan.

Ang parada ay gaganapin sa ika-15 ng Hulyo sa loob lamang ng CCP Complex dahil na rin sa mga binubungkal sa Roxas Boulevard. Magsisimula ito ng alas-singko ng hapon sa kalye Jalandoni, at liliko sa Bukaneg, kung saan ang unang judging area ay nasa may Harbor Square. Tutuloy ito sa may fountain area ng CCP, at matatapos sa tapat ng Aliw Theater sa Sotto Street, kung saan gaganapin ang final showdown.

Iniimbitahan din ang mga LGU na isali ang kani-kanilang festival queens sa timpalak ng Reyna ng Aliwan, na ang pageant night ay sa ika-14 ng Hulyo.

Maaari ring kumuha ng booths upang magbenta ng mga produkto sa Regional Bazaar na ganapin sa tatlong araw ng Aliwan Fiesta.

Ang kampeon sa street dance competition ay mag-uuwi ng P1.5 milyon; ang mananalo sa float competition ay tatanggap ng P750,000; at sa Reyna ng Aliwan naman ay magwawagi ng P150,000.

Para sa karagdagang ulat, maaring tunghayan ang official Facebook page ng Aliwan Fiesta o ang website sa aliwanfiesta.com

Ang mga sasali ay dapat makipag-ugnayan agad sa email: eloi@mbcradio.net

The post Reyna ng Aliwan nagbabalik first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments