Aksiyon, hindi away!

Noong nakaraang linggo inihayag ng Pangulong Bongbong Marcos Jr. na seryoso ang kanyang administrasyon sa pagsusulong ng “clean energy” sa pamamagitan ng nuclear energy.

Ayon sa Pangulo, ito ang kanyang pangunahing agenda sa kanyang ikatlong biyahe sa Estados Unidos para sa dumalo sa APEC Summit sa huling bahagi ng taong kasalukuyan.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pagharap nito sa mga kinatawan ng US-ASEAN Business Council nang mag-courtesy call ang mga ito sa kanya sa Malacañang.

Sa ngayon, ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa daigdig na may pinakamahal na bayarin sa kuryente.

Bakit? Dahil ang pangunahing pinagkukunan ng kuryente ay fossil fuel mula sa produktong petrolyo.

Resulta nito ang mataas na bayarin na pinapasan ng mga konsyumer.

Kung sa mga lungsod tulad ng Metro Manila ay umaangal na ang mga residente sa napakamahal na halaga ng kuryente, paano pa kaya sa mga malalayong lugar na ang namamahala ng distribusyon ng kuryente ay mga kooperatiba.

Noong nakaarang linggo sa isang privilege speech ni Isabela Congressman Inno Dy, hiniling nito sa National Electrification Administration na tuldukan na ang mga nagaganap na mismanagement sa mga electric cooperative.

“Panahon na para tuldukan natin ang mga pang-aabuso ng ibang mga opisyales ng mga electric cooperatives natin. Panahon na para baguhin ang kanilang mga polisiya na mismong nagpapahirap sa mga kooperatiba at nagdudulot ng problema sa ating mga mamamayan,” – karanasan ito ni Dy sa kanyang lalawigan.

Una dito, nagharap din sa Senado ang mga kinatawan ng Northern Davao Electric Cooperative, Inc. (Nordeco) at si Davao del Norte Governor Edwin Jubahib na kapwa nagpalitan ng mga akusasyon.

Normal lamang sa ama ng isang lalawigan – tulad sa Davao del Norte – na isulong ang kapakanan ng kanyang nasasakupan lalo na ang mga residente partikular sa usapin ng kuryente.

Ang karanasan ng mga taga Davao Del Norte at Isabela ay totoo din na nangyayari sa iba pang lugar sa bansa.

Marapat lamang na ito ay maresolba sa lalong madaling panahon lalot na’t nanghihikayat ang gobyerno ng pamumuhan- lokal man o dayuhan.

Mahal na nga ang kuryente, malimit pa ang ‘brownout’ sino naman ang mae-engganyo na magtayo ng negosyo?

The post Aksiyon, hindi away! first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments