Manila Refining Corp P406M atraso sa buwis

Ikinakasa ngayon ng Bureau of Customs (BOC) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga kompanya na sangkot umano sa bilyon-bilyong halaga ng mga hindi binabayarang buwis sa gobyerno mahigit 10 taon na ang nakaraan.

Base sa nakalap na impormasyon ng online news Bilyonaryo, kabilang sa mga nadiskubre ng BOC ang mahigit daan-daang milyong pagkakautang sa buwis ng Manila Refining Corporation (MRC) para sa sobra-sobrang importasyon ng palm oil sa kanilang letter of authority (LOA) noong Setyembre 2021.

“It is worth noting that up to this date, the MRC has made no payment despite the demand letters issued against them,” ayon sa report na nabasa ng Bilyonaryo.

Base sa dokumento, noong Marso 26, 2013 ay naglabas ng demand letter ang District Collector sa Port of Batangas kung saan inatasan ang MRC na bayaran ang mga utang nito sa buwis na nagkakahalaga ng P79,092,231.00 bukod pa sa multa na P327,515,127.62 para sa hindi otorisadong importasyon ng palm oil at palm olein na aabot sa P406,507,358.62.

Natuklasan pa sa mga dokumento na noong Setyembre 2021 ay sumobra ang inangkat ng MRC ng 15,000 metriko tonelada mula sa alokasyon nito na hanggang 18,000 metriko tonelada.

Binanggit pa sa report na inaprubahan umano ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang karagdagang alokasyon ng MRC na hanggang 42,000 metriko tonelada noong Disyembre 2012 lamang, o tatlong buwan matapos dumating sa bansa ang langis.

“The issuance of a new LOA in December 2012 in favor of MRC increasing its allowable importation from 18,000MT to 42,000 MT does not cure the fact that the MRC imported palm and olein oil in excess of their allocation September,” ayon pa sa report.

Alinsunod sa panuntunan ng PEZA, kinakailangang muna aprubahan bago magtakda ng order para sa importasyon o bago pumasok ang produkto sa Pilipinas.

“Based in PEZA rules and expressly provided in the September LOA, the bureau respectfully recommends the imposition of duties and taxes plus penalty/ fine against MRC for its unauthorized importation and withdrawal of palm oil and palm olein in CY 2012,” saad pa sa report.
Nakasaad din sa mga dokumento na ang demand letters ay ipinadala sa MRC na pinamumunuan ni Jesus L. Arranza bilang chief executive officer at president ng kompanya.

Samantala, mariing itinanggi ni Arranza ang paratang umano laban sa MRC.

Aniya, siya pa nga mismo ang lumalaban sa mga smuggler at nagbibigay pa ng datos sa National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa smuggling ng palm oil.

Ayon kay Arranza, sumulat siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol dito at nakipagpulong din kay Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban sa nasabing isyu.

Hinala ni Arranza na may nagpapagulo ng isyu dahil bilyon-bilyong piso na aniya ang tinitiba ng mga importer ng palm oil na dina-divert o nililihis para ibenta sa mga palengke na dapat sana ay gamiting sangkap sa feeds ng mga hayop.

Ang Bureau of Animal Industry (BAI) ang nagbibigay ng permit sa pag-import ng feeds para sa hayop na hindi dapat ginagamit sa pagkain ng mga tao kaya dito napupuslit ang palm oil na ibinibenta sa mga palengke.

Sabi ni Arranza, malalaking kompanya ang sangkot dito ngunit tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.

Mali rin aniya ang diskarte ni Panganiban na sa Philippine Coconut Authority patingnan ang problema dahil wala naman itong kinalaman sa smuggling ng palm oil. Sabi ni Arranza, ang BAI ang puno’t dulo ng mga ipinupuslit na palm oil sa mga palengke.

The post Manila Refining Corp P406M atraso sa buwis first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments