Mayon dumagundong, nakaamba pagsabog – Phivolcs

Nanatili pa ring nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon na nangangahulugan na ang isang mapanganib na pagsabog ay posible pa rin sa loob ng ilang linggo o kahit sa darating na araw.

Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na may kasama nang mga dagundong ang mga pagyanig sa Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.

Ayon sa Phivolcs, sa pagitan ng Huwebes, Agosto 10 at Biyernes, Agosto 11, ay nakapagtala sila ng 106 na pagyanig na tumagal ng lima hanggang 15 minuto.

Ang ilan sa mga pagyanig umano ay sinamahan ng mga dagundong na naririnig sa loob ng pitong kilometrong radius mula sa bunganga ng Mayon.

Na-detect din ng Phivolcs ang 62 low-frequency volcanic earthquakes, at apat na ashing events.

Sinabi ng Phivolcs na ang mabagal na pagbuhos ng lava mula sa summit crater ng Mayon ay patuloy na dumadagdag sa mga lava flow sa Bonga, Mi-isi, at Basud gullies sa timog-silangan, timog, at silangang bahagi ng bulkan.

Bukod dito, sinabi ng Phivolcs na ang rockfall at pyroclastic density currents (PDCs) na dulot ng summit dome at pagbagsak ng lava flow margin ay nag-iwan ng mga debris apat na kilometro mula sa crater.

Nabatid ng Phivolcs na 180 rockfall events at tatlong PDC ang naitala sa nakalipas na 24 na oras. (Dolly Cabreza)

The post Mayon dumagundong, nakaamba pagsabog – Phivolcs first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments