Ninoy, Kian, Jemboy `wag kalimutan

Noong August 21, ginunita ng iba’t ibang mamamayan at organisasyon ang 40th death anniversary ng bayaning si Ninoy Aquino.

Nagkaroon ng isang misa sa Sto. Domingo Church na dinaluhan ng kanyang pamilya, mga kaibigan at iba’t ibang mga progresibo at demokratikong samahan na patuloy na kinikilala ang kanyang dakilang ambag, sakripisyo at kabayanihan laban sa diktaturyang Marcos, at para sa kalayaan at demokrasya ng bayan. Isang araw bago ang death anniversary, nagkaroon naman ng pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Ninoy sa Makati at ito’y sinundan ng isang “Historyahan” o pagkukwento sa buhay ni Ninoy sa pangunguna ng kanyang apo na si Kiko Dee.

Mahalaga ang mga pag-alalang ito. Sa isang panahon na tayo ay nilulunod sa fake news, historical revisionism at iba pang kasinungalingan, ang pag-alala ay isang matapang na pagtindig para sa katotohanan at hustisya.

Napakahalaga na patuloy nating sinasariwa ang alaala ni Ninoy. Siya, kasama sina Senator Gerardo Roxas at Senator Jovito Salonga, ay susi sa pagbuo ng pamunuan ng demokratikong oposisyon laban sa diktador na si Ferdinand Marcos. Isa si Ninoy sa mga kinikilalang pinuno ng malawak ng demokratikong kilusan kasama ng intelektwal na si Sen. Jose Diokno.

Bilang isang senador, ipinahiram niya ang kanyang boses para tuligsain ang kalabisan ng pamahalaan. Noong idineklara ang Martial Law noong 1972, inaresto si Ninoy kasama ng marami pang lider ng oposisyon. Si Ninoy ay kinulong ng pitong taon at kinasuhan ng murder, illegal possession of firearms at subversion ng isang military commission. Siya ay hinatulan ng death sentence ng diktaturyang Marcos, ngunit dahil sa international pressure, ito ay na-commute at pinahintulutan siyang pumunta sa US para sa isang heart-bypass surgery. Noong 1983, kahit maliwanag ang tangka sa kanyang buhay, pinili ni Ninoy na bumalik sa Pilipinas para personal na komprontahin si Marcos at tumulong sa laban para maibalik ang demokrasya sa Pilipinas. Pero bago pa man siya makatapak sa kanyang mahal na bayan, siya ay sinalubong ng mga bala.

Nagtagumpay man silang paslangin si Ninoy, nabigo naman silang patayin ang pagnanais ng mamamayang Pilipino na maibalik ang kanilang kalayaan at demokrasya. Pagkalipas lamang ng tatlong taon mula ng paslangin si Ninoy, inilunsad ng mamamayang Pilipino ang Edsa People Power Revolution na tumapos sa diktaturyang Marcos. Ito ang diwa ng buhay at alaala ni Ninoy: ang bawat isa sa atin ay may kapangyarihan na baguhan ang ating kalagayan, at kung tayo ay magkakaisa, wala tayong hindi maggagawa.

***

Gamitin din natin ang okasyong ito para kilalanin ang buhay at alaala ni Jemboy Baltazar, isang 17 year old na kabataan mula sa Navotas na pinaslang nitong Agosto ng mga trigger-happy na pulis pagkatapos siyang mapagkamalang isang kriminal. Nangyari ang pagpatay anim na taon pagkatapos patayin ng pulis Kalookan si Kian delos Santos, 17 year old din, noong August 16, 2017. Oo. Tulad nila Ninoy, pinaslang si Jemboy at Kian sa buwan ng Agosto.

Ayon sa mga reports, hinahanda lamang ni Jemboy ang kanyang bangka upang mangisda nang bigla siyang pagbabarilan ng mga pulis. Diumano, bigla na lamang nagpaputok ang mga pulis kahit walang provocation at walang ginawang verification muna sa identity ng biktima. Dagdag pa rito, hinaras diumano ng mga sangkot na pulis ang forensic expert na si Dr. Raquel Fortun, na siyang nag-examine sa katawan ni Jemboy.

Si Ninoy noong 1983. Si Kian Kian noong 2017. Si Jemboy ngayon. Patuloy pa rin ang extrajudicial killings at pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Ang nakakalungkot, nangyari ang trahedya kay Jemboy dahil hindi tayo natuto sa pagkamatay ni Ninoy at Kian. Marami sa atin ang tila nakalimot. Magkaiba man ang kanilang mga henerasyon at estado sa buhay, sila ay mga simbolo ng kawalan ng hustisya sa ating lipunan at iba pang kamalian na dapat puksain sa ating bulok na sistema. Kaya huwag na huwag tayong lilimot! Ang ating mga alaala ang ating sandata! Ang pag-alala ay pagtindig para sa katotohanan at hustisya!

The post Ninoy, Kian, Jemboy `wag kalimutan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments