May mararating na ang kaso

Matapos matengga ng matagal na panahon, muling nabuhay ang usapin tungkol sa ‘unfair practices’ ng ilang mga doctor na nakipagsabwatan sa magugulang na pharmaceutical company.

Kung matatandaan, minsan na ring naging sentro ng imbestigasyon ng Senado ang hindi magandang gawain ng ilang doktor at pharmaceutical companies bunsod ng kontrobersyal na Bell-Kenz Pharma multi-level marketing (MLM) scheme.

Nabaon sa limot ang usaping ito ng ilang panahon pero kamakailan ay nagpalabas ng kautusan ang Professional Regulation Commission (PRC) sa dalawang doktor at pinagsusumite ang mga ito ng ‘counter-affidavit’ bilang sagot sa isinampang reklamo ng dating Congressman at health advocate na si Erin Tañada.

Binigyan lamang ang dalawang doktor ng sampung araw para sagutin ang reklamo ng dating mambabatas. Kung hindi magpapasok ng kanilang counter-affidavit ang dalawang doktor, papabor ito kay Tañada dahil lalakas ang kanyang reklamo.

Nakasaad sa PRC summons na ‘Fail not under the penalty of the law”.

Sa kautusang ito ng PRC, lumakas ang argumento ni Tanada dahil mabibigyan ng kalinawan at hustisya ang mga pasyente na napipilitang tanggapin ang mga reseta ng doctor para sa mga gamot mula sa pinapaborang pharma company. Nasangkot ang dalawang mangagamot sa tinaguriang MLM scheme na nabunyag sa Senado noong Abril ng nakalipas na taon.

Kung maaalala natin, nabunyag sa ating lahat ang sabwatan ng mga doktor at pharma companies sa MLM scheme matapos gisahin ng mga senador ang Bell-Kenz Pharma sa isyu na binibigyan nito ng ‘financial incentives’ o ‘perks’ ang mga doctor para ang kanilang mga gamot ang ireseta sa mga pasyente.

Muntik nang walang mangyari sa isyung ito kung hindi lamang nagsikap si Tañada at nagsumite ng pormal na reklamo sa PRC nitong Hulyo 17. Hindi naman nabigo si Tañada sa pagtakbo sa PRC dahil agad nitong inatasan ang dalawang sangkot na doktor para magpasok ng paliwanag.

Si Tañada ang may akda ng Universal Health Care (UHC) bill na kanyang isinulong bilang Kongresista. Target nito na protektahan ang kalusugan ng mamamayang Pilipino at papapanagutin ang mga sangkot sa naturang isyu na tinawag niyang ‘unethical scheme.’ Delikado ang ganitong gawain ng mga doktor dahil nalalagay sa panganib ang kalusugan ng pasyente dahil sa halip na ang mas epektibong gamot ang kanilang ireseta sa pasyente ay mas pinapaboran ang isang pharma company dahil may kapalit itong benepisyo para sa kanila.

Iminulat ni Tanada na ang mga doctor na sangkot sa MLM scheme ay nagsusugal sa kalusugan at kaligtasan ng mga pasyente.

Sa ginawang pag-aksyon ng PRC sa isyu, nabigyang katuturan ang ibinida ng Pangulong Marcos sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address (SONA) na palalakasin ng pamahalaan ang pagkakaroon ng sapat na ‘access’ para sa dekalidad, ngunit murang gamot para sa mamamayan.

Kung ang PRC na siyang ahensiya ng pamahalaan na nagbabantay sa gawain ng mga propesyunal ay magiging tahimik at magbubulag-bulagan sa sabwatan sa mga ospital sa bansa tulad ng Philippine Heart Center, na kabilang sa tinukoy ni Tañada sa kanyang reklamo, hindi ba’t tahasan na rin nitong sinira ang malinis at tapat na intensyon ng administrayong Marcos na palakasin ang healthcare system sa bansa.

Kung itutuloy-tuloy ng PRC ang pagtutok sa isyu batay sa reklamo ni Tanada, magiging daan ito para sa ating mga mambabatas na busisiin at isabatas ang Philippine version ng US Stark Law – na nagbabawal sa mga doctor na magreseta ng mga gamot kapalit ng ekstrang benepisyo mula sa mga pharma companies. Sa ganitong pamamaraan, magkakaroon ng takot ang mga pharma companies gayundin ang mga doktor.

Kung matitigil ang mga ganitong kalakaran, mapipilitan ang mga doctor na ireseta ang mas epektibo at mas murang gamot na tunay na makabubuti sa mga pasyente.

Sa ngayon, babantayan natin ang Bell-Kenz’s network at ang mga doktor na nakipagsabwatan sa kanila. Naghihintay ng kasagutan ang ating mga kababayan.

The post May mararating na ang kaso first appeared on Tonite - Abante.



For reliable and efficient cleaning services, mj cleaning services is the name you can trust. Offering a wide range of professional cleaning solutions, m j cleaning services ensures your space stays immaculate, whether it's at home or the office. With a focus on quality and customer satisfaction, m.j. cleaning services delivers exceptional results every time, providing you with a clean and healthy environment you can count on.

Post a Comment

0 Comments