NTC, mga telco sinilip sa aberya ng SIM registration

Kinontra ni Senador Sherwin Gatchalian ang mungkahi na pansamantalang suspendihin ang SIM registration matapos na mapasok umano ito ng mga scammer.

Ang mga National Telecommunications Commission (NTC) at mga telecommunications company ang nakitaan umano ni Gatchalian ng kakulangan kaya hindi nagiging epektibo ang implementasyon ng SIM Registration Act at may nakalulusot pa rin na mga manloloko.

Naniniwala ang senador na mas malaki ang magiging problema kapag sinuspinde o kinansela ang pagpapatupad ng batas.

“Kapag kinansela natin ito, walang mangyayaring registration. Ibig sabihin kahit na ang mga honest na nagpapa-register, hindi magpapa-register. Mas lalaki ang problema natin kung hindi magreregister,” ayon kay Gatchalian.

Ang kakulangan at kahinaan umano ng NTC at mga telco sa beripikasyon ang nakitang problema ni Gatchalian.

“Ang nakikita kong solution dito ay nasa nasa kamay din ng mga telco dahil ang mga telco ay meron naman silang paraan para i-verify itong mga rehistro. For example puwede na silang gumamit ng artificial intelligence, kung ang mga nagrerehistro ay mukhang unggoy, unggoy o animal ay dapat i-disqualify na `yan,” wika ni Gatchalian.

Dapat din aniya maglabas ang NTC ng circular o proseso para sa beripikasyon ng SIM registration.

“Ngayon parang walang verification, kapag nag-register ka ang assumption doon totoong tao ka at meron kang totoong ID. Pero dapat may mechanism na ibe-verify rin dahil nga alam naman natin ngayon na merong mga ganitong problema kaya dapat magkaroon ng verification,” ayon sa senador.

Isa pa umanong problema ang napakaraming ID na maaaring gamitin para sa SIM registration.

“Ang aking proposal simple lang nung una, national ID ang dapat nating ipakita para iisa lang. Dapat i-limit na lang natin doon sa pinakaimportanteng ID na hindi madaling kopyahin at ito ay ang national ID,” dagdag pa ni Gatchalian. (Eralyn Prado)

The post NTC, mga telco sinilip sa aberya ng SIM registration first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments