Mga negosyante tapatan ng ayuda

Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na tulungan ng gobyerno ang mga negosyante o manufacturers upang matigil ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin sa merkado.

Sabi ng senador, patuloy ang taas-presyo ng mga bilihin dahil imported ang karamihan sa mga bagay na ginagamit sa paggawa ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan sa bansa.

“Kaya kapag tumataas ang presyo sa ibang bansa, nararamdaman natin dito at nakita ko kasi patuloy pa ring tumataas ang presyo. Bumaba man siya nung last month, tumaas naman ngayon,” pahayag ni Gatchalian sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Setyembre 16.

Nararamdaman din umano ng senador ang epekto ng taas-presyo ng mga bilihin sa hanay ng mga manufacturer na nahihirapan dahil lumiliit din umano ang kita ng mga ito.

“So ang punto ko lang naman dapat mabantayan nating mabuti ang ganitong pagtataas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan at kung kayang i-delay muna o ihinto muna o bigyan ng konting tulong itong manufacturers kung kaya lang naman gawin ng gobyerno,” ayon kay Gatchalian.

Nagbabala pa ang senador na hindi solusyon sa nagtataasang presyo ng mga bilihin, partikular ng ng bigas, ang ipinatupad na price cap.

Pangamba ni Gatchalian na baka sa halip na makatulong ang pagtatakda ng price cap sa bigas ay magresulta pa ito ng kakulangan sa suplay ng bigas.

“Ang mga eksperto nagsasabi hindi puwedeng pangmatagalan `yan dahil unang-una, ang konsepto kasi ng price cap `yung presyo nga hindi mo maitataas pero `yung mga negosyante malulugi at kapag nalugi ang mga negosyante, for example mga retailer hindi sila magbebenta o hindi sila mag-iimport o hindi sila magdadating. So baka magkaroon tayo ng shortage kapag matagal pinapairal itong price cap,” ayon kay Gatchalian.

“Kaya kung short term man para hindi sumipa ang presyo, ginagawa rin `yan, `yan ay isang paraan para protektahan ang consumers natin pero hindi puwedeng matagal. So ibig sabihin kung tayo ay may problema sa suplay ng bigas dapat nating solusyunan paano palakihin ang suplay ng bigas,” dagdag pa ng senador.

Kaya iminungkahi na umano niya sa Department of Energy at iba pang ahensiya tulad ng Department of Trade and Industry na magkaroon ng estratehiya kung paano pababain ang importation ng mga raw material. (Eralyn Prado)

The post Mga negosyante tapatan ng ayuda first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments