BSP: Mga Pinoy `di happy ngayong Pasko

Hindi masaya ang mga Pinoy consumer sa pagpasok ng fourth quarter ng 2023 kahit pa Kapaskuhan na at mas negatibo pa ang kanilang pananaw ngayon kaysa noong third quarter, ayon sa survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Mas nawalan umano ng kumpiyansa ang mga konsyumer ngayong fourth quarter kumpara noong third quarter dahil sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lumiliit na kita, mas kaunting trabaho, at wa epek ang mga patakaran ng pamahalaan sa pag-apula sa inflation, sa public transportation, at pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap.

Ayon sa BSP, bumagsak sa negative 19% ang tinatawag na overall confidence index ngayong fourth quarter mula sa negative 9.6% noong third quarter. Kapag negatibo ang confidence index, hindi maganda ang pananaw ng mga konsyumer.

Ginawa ng BSP ang Consumer Expectations Survey noong Oktubre 2-13 sa 5,256 na mga tahanan sa buong bansa.

Base sa survey, nakikita ng mga konsyumer na tataas ang interes sa pautang, dadami ang mawawalan ng trabaho at hihina ang piso.

Dahil walang kumpiyansa ang mga konsyumer sanhi ng mataas na presyo ng mga bilihin at hindi naman lumalaki ang kita, mas marami umano ang alanganin bumili ng “big ticket items” tulad ng appliances, sasakyan, o bahay at lupa.

Nabawasan din ang mga tahanan na may savings nitong fourth quarter kumpara sa third quarter. Ngayong fourth quarter, 29.1% na lamang ng mga survey respondent ang mayroong savings mula sa 32.8% noong third quarter.

(Eileen Mencias)

The post BSP: Mga Pinoy `di happy ngayong Pasko first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments