3 hepeng sakay sa kotse, inararo ng 6-wheeler

Sugatan ang isang hepe ng pulis matapos masalpok ng truck ang minamaneho nitong kotse sa national highway sa Barangay Tarabocan, Calbayog City, Samar noong Huwebes ng hapon.

Nakilala ang opisyal na si PLt. Jimmy Tubigan, 45, hepe ng San Antonio Municipal police Station, na isinugod sa Rural Health Unit ng Lope De Vega, Northern Samar.

Himala namang hindi nasaktan ang mga sakay niyang sina PLt. Alberto Magloyuan, 54, hepe ng San Vicente Municipal Police Station at PLt. Neil Fernandez, 54, hepe ng Biri Municipal Police Station, Northern Samar.

Ayon sa report ng Samar Provincial Police Office, patungo Regional PNP Headquarters sa Camp Ruperto Kangleon, Brgy. Campetik, Palo, Leyte ang tatlo para sa neuro-psychiatric examination nang habang tinatahak ang Calbayog- Catarman road ay araruhin ang kanilang kotse ng kasunod na truck.

Nawalan umano ng kontrol ang 33-anyos na driver ng 6-wheeler truck na taga-Santo Tomas, Batangas .

Sa lakas ng impact, wasak ang hulihan ng kotse at naitulak pa patungo sa riprap sa gilid ng kalsada.

Naaresto naman ang driver ng truck na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties.

(Ronilo Dagos)

The post 3 hepeng sakay sa kotse, inararo ng 6-wheeler first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments