DepEd tinabla Cha-cha

Nawindang ang mga kongresista sa pagtutol ng Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Vice Pre­sident Sara Duterte sa panukala na ami­yendahan ang economic provisions ng 1987 Cons­titution na suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa deliberasyon ng House Committee of the Whole noong Martes nang gabi, tinanong ni Iloilo Rep. Janette Garin ang kinatawan ng DepEd na si Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Omar Alexan­der Romero kaugnay ng position paper ng ahensiya.

“Doon po kasi sa position paper nila, hindi ko pa rin po maintindihan ano po ang specific link that RBH 7 has concerning national security,” sabi ni Garin.

Sinabi naman ni Romero na ang pag-aalinlangan ng DepEd ay ang posibilidad na malimitahan ang kontrol ng ahensiya sa kurikulum ng mga foreign educational institution sa pamamagitan ng ipapasang batas ng Kongreso.

Pinunto naman ni Garin na mananatili ang oversight power ng DepEd sa mga foreign school.

Iginiit naman ni Romero na ang kanilang pagtutol ay dahil sa posibilidad na magpasa ang Kongreso ng batas na magbabawas sa kapangyarihan ng DepEd sa mga foreign school pero sinabi ni Garin na mukhang mali ang pagkakaintindi ng DepEd sa Resolution of Both Houses 7. (Billy Begas)

The post DepEd tinabla Cha-cha first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments