Jema Galanza walastik ratsada, Creamline kumatok sa korona

Mga laro sa Linggo

(Smart Araneta Coliseum, QC)

4 pm – Petro Gazz vs Chery Tiggo

6 pm – Creamline vs Choco Mucho

Sinangkalan ng Creamline na pinamunuan ni Jema Galanza ang pambihirang espiritu at porma ng kampeon buong salpukan upang lantakan ang Choco Mucho sa kapana-panabik na 24-26, 25-20, 25-21, 25-16 desisyon, sa harap ng 17,457 miron at ga-buhok na lang sa trono Huwebes ng gabi.

Puwede nang walisin at mahagip ang pangwalong titulo ng Cool Smashers pagtipa ng 8th Premier Volleyball League 2024 3rd All-Filipino Conference best-of-3 Finals Game 2 sa Smart Araneta Coliseum pa rin sa Linggo.

Nagbaon si Galanza ng 20 points para mahirang na best player of the game sa pagkontrol sa salpukan sa sumunod na tatlong set pagkataob sa opener sa paliga ng Sports Vision Management Group, Inc., mga ineere sa www.pvl.ph website, RPTV, Pilipinas Live app, One Sports+ at One Sports.

“Syempre, hindi pa tapos ang laban. 1-0 pa lang,” sey ni Creamline coach Sherwin Meneses. “Kailangan talaga maka-dalawa ka so no need to celebrate. Importante nakuha namin ang Game 1 then tatrabahuhin namin ang Game 2.”

Pinatibay ng 11 sabak sa Finals at pitong trono, litaw ang depensa at komposyur ng winning squad sa challenger at sister-team sa pagtapos sa 2 oras at 12 minutong bombahan.

Sa kabuuan nasuportahan sina Galanza at Tots Carlos na may 17 pts. ng bench gaya nina Bea De Leon, Michele Gumabao at Barnadette Pons.

“Ayokong matapos ang game na ito na hindi kami mananalo,” giit ni Galanza. “Kapag nakikita mo ang mga teammate mo na lumalaban at nagchi-cheer, sino kami para sumuko? Ilalaban talaga namin. Kaya sobrang sarap sa feeling na nakuha namin ito.”

Nakatapos si De Leon ng 11 puntos mula sa bench, si Alyssa Valdez 9, si Pons 8, si Gumabao 7 at Pangs Panaga 5.

‘Di naisalba ng 27 pts. ni Sisi Rondina ang Flying Titans, maging ng 15 iniskor ni Royse Tubino. (Ramil Cruz)

The post Jema Galanza walastik ratsada, Creamline kumatok sa korona first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments