Ngayon pa lang, nagpupustahan na ang ilan nating ayudanatics na kurimaw kung magagawa ba ng mga mambabatas na makapagpasa ng batas laban sa political dynasty para pagbawalan ang mga magkakamag-anak na sabay-sabay na kakandidato sa eleksiyon.
Sa ngayon, hinihimay na naman sa Kamara at Senado ang iba’t ibang bersiyon ng panukalang batas laban sa dinastiya. Malakas na naman kasi ang interes at panawagan ng mga utaw tungkol dito dahil sa usapin din ng katiwalian.
Paano nga naman, sa mga lokal na pamahalaan, napakarami nang lalawigan at bayan sa bansa na naging “kamag-anakan” incorporated dahil sa magkakadugo ang nasa posisyon. Kung hindi gobernador si tatay, baka mayor ang hawak na posisyon ng padre de familia. Habang si misis, kung hindi bise, aba’y kongresista.
Habang ang kanilang anak, kung hindi konsehal o bokal, baka SK chairman. Puwede rin naman mga tito o tita nila ang nakapuwesto. Sa nasyunal naman, puwedeng presidente ang tatay, habang may mga anak na nakaupong senador, o kaya naman eh nakapuwesto sa lokal na pamahalaan.
Hirit ng ilan nating kurimaw, papaano pa raw magkakaroon ng check and balance sa paghawak ng pondo sa kapitolyo o munisipyo, kung magkakamag-anak ang gobernador, bise gobernador, mga bokal, at ganoon din sa level ng lungsod o munisipyo na kamag-anak ni mayor ang mga nakapuwesto sa mababang posisyon.
Kung magbubulsa ng pondo ang ama o ina na mayor o gobernador, baka naman mahiya ang asawa o anak niyang nakapuwesto rin na sitahin siya at baka mag-away pa sila sa bahay.
Sa isang survey na ginawa noong Disyembre, aba’y 54 porsiyento raw ng mga Pinoy ang suportado ang pagkakaroon ng anti-political dynasty law. Habang manipis lang na 18 porsiyento ang ayaw ng naturang panukala. At 27 porsiyento naman ang hindi makapagpasya kung susuporta o hindi sa panukala.
Sa ngayon, kumbaga sa obra ng painting, mukhang nagkakaroon na ng porma ang mga panukalang batas na magkahiwalay na tinatalakay sa Kamara at Senado. Kabilang sa mga kailangang resolbahin ng mga mambabatas ang tanong kung hanggang saang “dugo” o consanguinity o affinity, ang hahayaan na tumakbo tuwing halalan.
Gaya halimbawa sa posisyon sa lokal na pamahalaan, kung tumakbo ba si tatay na mayor, puwede bang tumakbong bise alkalde ang misis niya. Habang ang mga anak nila at mga kamag-anak, puwede rin bang kumandidato sa ibang posisyon gaya ng konsehal at Sangguniang Panlalawigan. Puwede rin kayang isama sa bilang ng “kadugo” ang bayaw ni Mayor, kung sakaling hindi naman kandidato ang kapatid ni bayaw?
Papaano naman kung tumakbo sa magkaibang posisyon ang magkakadugo na ang isa eh lokal na posisyon ang inaasinta, habang national naman ang pangarap ng isa gaya ng Senado o Palasyo? At papaano kung magkaaway o hindi magkasundo ang magkamag-anak o magkapamilya, at walang nais na magbigay-daan sa kanilang kandidatura. Hindi kaya ipatsugi ng isa ang kanilang kamag-anak para mawalan siya ng karibal sa pagtakbo?
At kahit nga umuusad naman ang panukalang batas na kontra sa dinastiya, may mga kurimaw pa rin tayo na duda kung maipapasa ang batas dahil sa madaming nakaupo ang baka maapektuhan ng anti-dynasty bill.
Ngunit iyon nga, kahit may kalakasan ang suporta ng mga utaw sa panukalang ito, hindi pa rin natin masisisi ang ilan nating kurimaw na magduda kung maisasabatas ito. Kasi nga, mula pa noong 1990’s, ilang beses nang may inihain na ganitong panukalang batas na kadalasang inaaprubahan sa komite pero deadma na matalakay sa plenaryo hanggang sa abutan ng pagsasara ng sesyon.
Subalit dahil sa may panawagan ni PBBM na bigyan ng prayoridad ang pagpasa ng naturang batas, may mga kurimaw pa rin naman tayo na umaasa na baka maglalabas ng kautusan ang pangulo para ideklara itong priority bill upang mapadali ang pag-apruba sa dalawang kapulungan. Subalit habang wala pa, huwag munang umasa na matatapos na ang dinastiya sa bansa dahil baka mauwi lang sa wala ang lahat ng kuwento. Tandaan: “Bata n`yo ako at Ako ang Spy n’yo.”
The post Hanggang ilang kamag-anak? first appeared on Tonite - Abante.
For reliable and efficient cleaning services, mj cleaning services is the name you can trust. Offering a wide range of professional cleaning solutions, m j cleaning services ensures your space stays immaculate, whether it's at home or the office. With a focus on quality and customer satisfaction, m.j. cleaning services delivers exceptional results every time, providing you with a clean and healthy environment you can count on.
0 Comments