Ilang ayudanatics nating kurimaw ang nagsalubong na naman ang mga kilay dahil sa balitang kulang sa timbang ang ilan sa mga ipinamigay na bugas o bigas ng gobyerno na tig-10 kilo sa Mandaluyong. Bakit ka nga naman hindi maiinis, konti na nga lang, tila binuriki pa.
Ipinamimigay ang bigas sa mga mamamayan sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang program ni PBBM sa lahat ng lokal na pamahalaan—mula sa Luzon, Visayas, Mindanao. At hindi biro ang pondo na inilaanan dito na milyon-milyong piso para kahit papaano nga naman eh may libreng tsibog ang mga utaw.
Ang mga bigas, nakalagay sa maliit na selyadong lalagyan o sako na may nakasulat na 10 kilo. Kaya naman kapag ipinamudmod, abot lang ng abot sa mga tao. At sa dami ng mga bibigyan, sino pa nga naman ang makakaisip na timbangin ang bigas lalo na kung libre naman.
Kaso may nagtimbang sa mga nakatanggap ng mga bigas sa Mandaluyong. At batay sa mga social media post, may mga bigas na kulang ng 2 kilo o kaya naman eh mahigit isang kilo. Ang tanong, bakit kulang at sino ang may pakana?
Batay sa lumabas na mga ulat, ang mga lalagyan o sako na may bakas ng butas ang kulang sa timbang. Kaya naman may ilang kurimaw tayo na napaisip na baka binuriki ang bigas. Ang buriki ay tila maliit na tubo na matulis ang dulo na pinantutusok sa sako para makakuha ng kaunting bigas kapag sinisilip ang kalidad.
Sabi ng Palasyo, nasa halos 30,000 maliliit na sako ang ipinamigay sa Mandaluyong at nasa 50 sako lang daw ang iniulat na kulang ang timbang. Pero kahit maliit lang o kakaunti ang dinekwat na bigas, hindi pa rin dapat hayaan na makalampas ang ganoong uri ng pambuburaot, lalo na sa programa ni PBBM.
Aba’y hirap na hirap na nga tropa ni Sec. Dave Gomez sa PCO na paangatin ang ratings ng pangulo, may sasalaula pa sa programa niya na mga karaniwang utaw ang higit na makikinabang? Kahit papaano eh dapat kastiguhin at magbigay dapat ng babala laban sa sino mang sasabotahe sa programa ng gobyerno.
Sa ngayon, sa Mandaluyong pa lang nabisto ang naturang sistema na tinimbang ang bugas ngunit kulang. Pero papaano kaya sa iba pang mga lugar na hindi nagtitimbang? At lahat ba naman ng bugas na ipinamudmod sa Mandaluyong eh tinambang? Kung tig-2 kilo ang naburiki sa Mandaluyong at 50 sako ang apektado, lalabas na nasa 100 kilo o dalawang sako ng bigas na tig-50 kilo ang naburiki.
Kung nasa P50 per kilo ang naturang bigas, lalabas naman na P5,000 ang halaga ng naburiking bigas. Para sa iba marahil, iisipin na maliit na halaga lang pala ang nanenok na bugas. Subalit kung tutuusin, maraming bibig ang mapapakain ng ilang araw sa 100 kilo ng bigas. At gaya ng tanong ng ilan nating kurimaw, sa Mandaluyong lang kaya nangyari ang kalokohan?
Bukod doon, malinaw na pambuburaot at pag-atake sa programa ni PBBM ang pagburiki sa bigas. At kung iisipin na maliit lang na halaga ang naburiki, aba’y huwag nang hintayin na lumaki pa. Kahit nga sa pagpitik ng pondo sa gobyerno, kadalasang nagsisimula sa maliit ang ibinubulsa. Kapag walang sumita at hinayaan, magiging malakihan na at bago umabot pa sa male-maletang bigas ang madekwat.
Sa nangyari sa Mandaluyong itinanggi ng supplier ng bigas na sila ang may pakana at isinisi sa mga tauhan nila ang posibleng namburiki ng bigas. Kung totoo, ano naman kaya ang nagtulak sa mga tauhan nila para mamburiki? Hindi ba sila nakakalibre ng bigas sa mga amo nila at kailangan pa nilang bawasan ang bigas ng mga utaw?
Dapat magsilbing paalala sa mga lokal na pamahalaan at mga utaw ang nangyari sa Mandaluyong para na timbangin ang bigas na makukuha nila upang matiyak na tama ang timbang. Baka naman kasi kung babalewalain ang buriki modus, magkaroon ng sabwatan na puwede palang bawasan ang bigas kung wala namang pumapalag kahit sa Malacanang. Tandaan: “Bata nyo ko at Ako ang Spy nyo.”
The post Binuriking bigas? first appeared on Tonite - Abante.
For reliable and efficient cleaning services, mj cleaning services is the name you can trust. Offering a wide range of professional cleaning solutions, m j cleaning services ensures your space stays immaculate, whether it's at home or the office. With a focus on quality and customer satisfaction, m.j. cleaning services delivers exceptional results every time, providing you with a clean and healthy environment you can count on.
0 Comments