ROMMEL PLACENTE:Hindi pa man natin napapanood ang ‘Anak Ng Mga Dancer,’ sinabi na natin mga ka-Cuatros once naipalabas na ito via ktx.ph ay siguradong mapipirata na.
Hayan na nga at nangyari nang ipalabas ito noong Sabado,January 30 worldwide. At pinagkakakitaan na ngayon ng mga pirata.Ibibigay raw nila ang link, magbayad lang ang gustong makapanood.
Grabe na sila! Hindi na sila naawa sa mga movie producer.
Pero , seryoso ang producer na Joed Serrano na tugisin sila. May pabuya pa siya para matunton ang mga pirata. Hina-hunting sila ngayon at handang idemanda.Dapat lang maturuan ng leksyon ang mga ito.At para matakot na rin yung mga susunod na mamimirata ng pelikula, di ba? Hindi ba nila alam na bawal ang kanilang ginagawa.May batas na anti-piracy pero sige pa rin sila.Kelan kaya matututo ang mga tao? Kikita nga sila pero maghihimas naman ng malamig na rehas sa kulungan ‘.Yung iba na namira, huwag na nilang ikalat or else kulong ang kababagsakan nila.
RODEL FERNANDO: Wala talagang ligtas sa pamimirata ang online streaming sa mga pelikula. At heto nga naging biktima rin ang ‘Anak ng Macho Dancer.’ Ito rin ang naging problema ng mga pelikulang ipinalabas sa Metro Manila Film Festival noong December. Halos lahat ay napirata at umaaray ang mga producer. Mabuti nga itong si Joed Serrano na producer ng pelikulang pinagbidahan ni Sean de Guzman ay nakabawi na at kumita na. Kung pagbabasehan kasi ang mga lumabas na balita ay naka-100 thousand tickets sold na raw ang movie bago pa ito naipalabas noong Sabado ng gabi. Kung susumahin kasi ang mga nabentang tiket ay tumataginting na 69 million ang presyo ng mga ito. Aba kung totoo nga ito ay bawing-bawi na si Joed at kumita pa ng malaki.
Anyway, going back sa Anak ng Macho Dancer isa kami sa mga nakapanood na ng pelikula at masasabi naming okey naman ang pagkakagawa ni Direk Joel Lamangan. Hindi nga lang the best pero pasado na rin sa sarili naming panlasa. Okey na rin bilang first movie ng Godfather Productions. Sa aktingan naman ay pasado rin ang gumanap na bida na si Sean. Of course, may ilang eksena siya na sa palagay namin ay nagkulang siya pero sa kabuuan ay puwede na. May pasaporte na siya para isabak sa aktingan.
Isa pa sa nagustuhan namin ay si Ricky Gumera. Maganda ang rehistro niya sa screen at ramdam mo siya kahit hindi nagsasalita sa kanyang mga eksena. Kaya niyang gamitin ang mata niya sa pag-arte. Winner ang kanyang facial expression. Pero tulad ni Sean ay kailangan pa rin niyang matuto.
MILDRED A. BACUD: Nakakalungkot talaga lalo na sa producer ng Anak Ng Macho Dancer
ang pamimiratang ito. Nakita na niyang magiging problema ‘yan kaya naman sinabi sa presscon na nakahanda ang kanilang team sa mga magtatangkang mamirata. Kakasuhan daw nila ito at sisiguraduhin masasampolan .
Speaking of the movie, bumilib kami sa mga beteranong mga artista lalo na kina Jaclyn Jose, Rosanna Roces at Jay Manalo. Malaking bagay rin sila kaya nakasabay sa aktingan ang mga baguhang aktor lalo na ang bidang si Sean de Guzman na buong tapang sa frontal nudity. Siyempre uncut ang aming napanood at malamang matapyas ito kapag napanood na sa big screen.
Palaban din si Miko Pasamonte. Malalim ang mga mata ni Ricky Gumera sa maraming eksenang walang dialogue, mahal ng kamera ang mukha ni Charles Nathan.
ROLDAN CASTRO: May official statement na ang Godfather Productions sa kanilang Facebook page.
“Piracy is a crime. We at Godfather Productions do not tolerate piracy and have reminded our viewers time and again to stream #AnakNgMachoDancer legally.
Know that we are very serious in exposing and pursuing legal action on people who stream, record, and distribute our movie illegally.
Please report illegal streams and links by messaging the Godfather Productions page or commenting down below. Let us support the industry by watching films on legit platforms. #NoToPiracy
Speaking of ANMD, may post si Joed sa kanyang Facebook account: “ 10k reward kung sino makakapagturo ng ga__ng ito!
Sasampolan ko tlga mga hinayupak na nagpipirata!” nakalagay kasi sa Twitter account ni Gussion Cruz, “Full movie ,Anak ng Macho Dancer.DM ME”
Tungkol naman sa acting, rebelasyon sa amin si Ricky Gumera. Ang lakas ng dating niya. Parang Nora Aunor na pinagana ang mata. Promising at maganda ang role bilang Kyle. Puwede siyang makilala bilang totoong aktor. Kabugan sila ni Sean sa acting na marami pang puwedeng ibuga at mailabas. Wala rin silang takot sa frontal nudity.
Isang magandang preparasyon din ang movie na ito kay Mhack Morales para sa mahabang role sa susunod na proyekto.
Of course, bidang-bida ang pangalang Roldan dahil ito ang ipinangalan sa karakter ni Emilio Garcia. Sabi ng magaling na scriptwriter na si Henry Quitain ,” Sa yo ko talaga pinangalan yun. Hahaha.”
Anyway, maraming salamat sa mega producer na si Joed Serrano ng ‘Anak Ng Macho Dancer’.
Napagtagumpayan niya ang goal na mapasaya ang target niyang viewers.Nabuhay niya ang industriya sa maingay niyang pelikula.
0 Comments