Belmonte umalma sa diskriminasyon vs COVID carrier

Nakaranas umano ng diskriminasyon ang mga residente ng Kamuning, Quezon City matapos maitala ang unang kaso ng bagong COVID-19 variant sa kanilang lugar.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte sa isang press conference, ipinaalam sa kanya ng barangay captain ng Kamuning na hindi na nakapasok ang ilang residente sa kanilang mga trabaho dahil sa insidente.

“Tumawag na sa akin kanina ang kapitan ng Barangay Kamuning at sinabi niya na napakarami sa kaniyang mamamayan ang takot na takot na, nangangamba na at marami rin sa kanila ang `di na pinayagang pumasok sa iba’t iba nilang tanggapan bilang mga empleyado,” saad ni Belmonte.

Aniya, nakalulungkot ang balitang ito dahil maiiwasan sana kung inanunsyo ng maayos ang ulat hinggil sa pasyente.

Pinaalala naman ni Belmonte sa mga employer na may batas laban sa diskriminasyon ang kanilang lungsod.

“This is something we are ready to pursue kung patuloy pa ring dini-discriminate ang mga mamamayan ng Barangay Kamuning nang dahil sa kasong ito na wala namang batayan para sila ay ma-discriminate,” dagdag pa niya.

Gayunman, hindi pa umano nila alam ang mga kompanya na dawit sa diskriminasyon.

Ang naturang COVID patient ay galing United Arab Emirates na bumalik sa Pilipinas noong Enero 7. (VAPA)

The post Belmonte umalma sa diskriminasyon vs COVID carrier first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments