Pinatawan na ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat ng anim na buwang suspensyon ang City Garden Grand Hotel sa Makati City dahil sa pagtanggap ng mga bisita gayung ginagamit ang mga kagaya nitong establisimyento ngayong pandemya bilang quarantine o holding facility para sa pag-iwas sa COVID-19.
Bukod sa pagbawi sa Certificate of Authority to Operate, inatasan din ng DOT ang hotel na magmulta ng ₱10,000.
Sa imbestigasyon ng kagawaran, lumitaw sa mga nakalap nitong ebidensya na tumatanggap pa ng mga bisita ang hotel bago at matapos ang pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera noong umaga ng Bagong Taon.
“The pieces of evidence showed that even prior to the incident and until now, the CGGH is marketing packages to accept leisure guests and never indicated that it is a quarantine hotel,” ayon sa DOT.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa kaso ng 23-anyos na si Dacera na nakitang walang buhay sa bathtub ng silid ng nasabing hotel ilang oras matapos nilang magdiwang ng New Year’s party.
Sinabi ng DOT na nagkaroon ng ‘misrepresentation’ sa publiko ang hotel dahil pinapagamit nila sa mga bisita ang lugar bilang staycation.
Una rito, tinanggi ng hotel na lumabag sila sa guideline ng DOT matapos mag-book ng kwarto ang grupo ni Dacera sa ilalim ng corporate account.
Samantala, sinalang na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa drug test ang 7 sa 11 person of interest (POI) sa pagkamatay ni Dacera.
Ayon kay NBI Spokesman Ferdinand Lavin maaga pa nang dumating sa NBI ang 7 POI matapos silang ipatawag para magbigay ng paliwanag. Layunin nito na matiyak kung nagkaroon ng ‘drug party’ bago masawi si Dacera. (Mia Billones/Juliet de Loza-Cudia)
The post City Garden kinandado sa Dacera case first appeared on Abante Tonite.
0 Comments