Eva Cariño tells BB Gandanghari: "Uwi na ka dito."

Napuno ng iyakan at tawanan ang naging pag-uusap ni BB Gandanghari, 53, at ng kanyang inang si Eva Cariño, 84, via online.

Nag-usap ang mag-ina noong nakaburol ang nakatatandang kapatid ni BB—dating kilala bilang Rustom Padilla—na si Royette Padilla.

Pumanaw si Royette noong January 9, 2021 dahil sa heart attack. 

Si Royette ang nakatatandang kapatid nina BB, Robin, at Rommel.

Noong Sabado, January 23, in-upload ni BB ang YouTube video ng pakikipag-usap niya sa mga kaanak sa Pilipinas na nasa burol ni Royette.

Nagsimula si BB sa pagsasabing lumaki siyang naiinggit sa kanyang Kuya Royette dahil nakikita niyang ito ang paborito ng kanilang ina.

Aniya, “Dati lumalaki ako parang may pagseselos nang konti kasi alam ko ito si Kuya Royette ang paborito ng mama namin.”

Kinumusta ni BB si Mommy Eva.

“Uwi ka na dito. Uwi ka na,” at dito na humagulgol ang dating aktres, dahilan para maiyak na rin si BB.

Malayo sa pamilya si BB dahil sa U.S. na siya namamalagi. 

Tuloy sa pagsasalita ang umiiyak na si Mommy Eva, kaya’t hindi maunawaan ang sinasabi nito.

Pero mahihinuhang ang pag-iyak niya ay dahil sa pagpanaw ni Royette.

Tiniyak naman ni BB sa ina na mahal ito ng nakatatandang kapatid na pumanaw.

Ani BB sa ina, “Darating siguro ang panahon mas mapaparamdam natin sa isa't isa, kay Kuya Royette, yung pagmamahal na tama, o yung pagmamahal na mas pwede nating ibigay, other than yung naibigay na natin.”

Sabi pa ni BB, sa huling picture na nai-post ni Royette kasama si Mommy Eva noong December 2020 ay pruweba na appreciated nito ang ina.

Noong Bisperas ng Pasko, nag-post si Royette ng picture nilang mag-ina bilang pagpapasalamat sa paggaling ng ina sa pagkakasakit nito. 

Nang mahimasmasan si Mommy Eva, nagawa na nilang magbiruan ni BB.

Tinanong ni BB ang ina kung ano ang pinakamami-miss nito kay Royette.

Sagot ng Padilla matriarch, “Ang mami-miss ko kay Royette, walang ibang sinasabi sa akin ‘yan, ‘Mama, walang gulong yung kotse ko. Mama, kelangan ipa-check up yung kotse ko,’ puro gano’n na lang naririnig ko.”

Sundot ni BB, “E, kasi nga baby mo si Kuya Royette. E, di, ngayon wala ka nang papagawan ng gulong, wala ka nang papagawan ng kotse.”  

Biro pa ni Mommy Eva, “Talagang akala niya pera ako.”

Sabat ni BB, “Bineybi mo kasi.

“Baka umpisahan ko na ring gawin yun para maging paborito mo ako!” sabay tawa niya.

MOMMY EVA ON FAVORITISM

Nasabi rin ni Mommy Eva na hindi pinupulot ang pera.

Pero naniniwala raw siya sa kasabihang kung gustong yumaman ay mamulot ng barya.

Biro niya, may naipon na raw siyang isang milyong piso sa pagpulot ng coins.  

Hirit niya kay BB, “Mag-ipon ka riyan para makauwi ka rito.”  

Sinagot din ni Mommy Eva ang unang tinuran ni BB na paborito niya si Royette sa kanyang mga anak.

“Minsan sinasabi ninyo paborito ko raw si Royette. Sinasabi ko, hindi ko paborito si Royette.”

Katwiran ni Mommy Eva, lagi siyang nasa tabi ng kahit sinumang anak niya kapag ito ay naliligaw ng landas.

“Kapag meron akong… sa sarili ko na kapag meron akong nawawalang anak, susundan ko kahit saan siya dumating.

“Hindi ako makakapayag na hindi ko makakapiling ang anak ko.”

Sa isang previous video, si BB na mismo ang nagsabing may reputasyong “notorious” si Royette sa ibang tao.

Bago magtapos ang pag-uusap ng mag-ina, hinimok ni Mommy Eva si BB na umuwi na ng Pilipinas.

Sagot ni BB, “Pagkatapos ng lockdown. Opo.

“Huwag kayong masyadong mag-iisip. Kailangan makita niyo pa ako sa pag-uwi ko, Ma, ha?

“Ayokong sa pag-uwi ko, merong ganyan. Sana sa pag-uwi ko, party.

"Gusto ko sa pag-uwi ko, [sa] ninety years old mo. Sana pag-uwi ko, ninety years old mo para masaya.”

Ipagdiriwang ni Mommy Eva ang kanyang ika-85 kaarawan sa darating na Marso.

Noong nakaraang taon ay kinumpirma ni BB sa PEP Troika na mas mabuti na ang komunikasyon nila ni Mommy Eva.

Subalit bago ito, inamin ni BB sa kanyang previous videos ang sama ng loob niya sa kanyang pamilya sa Pilipinas, gaya ng mga kapatid na sina Rommel, Robin at asawa nitong si Mariel Padilla.

Sumama ang loob ni BB dahil sa kawalan daw ng suporta at komunikasyon sa kanya na nasa malayong lugar.

Pero pagsapit ng Bagong Taon ay humingi ng paumanhin si BB sa mga nakaalitan niya, kasama na si Robin, noong 2020.

 [ArticleReco:{"articles":["156285","156283","156278","156276"], "widget":"Hot Stories"}]

Post a Comment

0 Comments