FBI: ‘FaceBook Investigator’

Kapag may mga malalaking balita mga tropapips tungkol sa korupsiyon, krimen, sex at scandal, asahan mong hindi magpapahuli ang netizens sa pagkomento sa social media.

Kung minsan nga, aakalain mong sangkot o may personal na alam ang ilang netizen kapag nagkomento sa isyu. Inuunahan pa nga mga imbestigador dahil mayroon na silang konklusyon sa nangyari.

Gaya na lang sa kaso ng flight attendant na si Christine Dacera na nakitang patay sa bathtub sa kuwarto ng isang hotel sa Makati matapos dumalo sa New Year celebratation kasama ang mga kaibigang bading.

Dahil hindi malinaw kung ano talaga ang dahilan ng pagkamatay ni Dacera [na batay sa inisyal na ulat ay naputukan ng ugat o aneurism] kung ano-anong haka-haka na ang naglabasan.

Sabagay mga tropapips, maging ang pamilya ni Dacera at mga awtoridad ay may “hinala” na hindi lang basta aneurism ang nangyari sa 23-anyos na dalaga. May suspetsa na ginahasa siya at pinainom ng droga.

Posible raw na ang aneurism ay dulot ng kung anoman ang ginawa sa kaniya ng “salarin” [kung may krimen ngang nangyari]. At kung totoo naman na aneurism ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, ibang usapan din kung talaga bang pinainom ng droga si Dacera, o kung pinagsamantalahan.

Habang isinusulat natin ‘to mga tropapips, hindi pa inilalabas ang resulta sa panibagong autopsy sa bangkay ni Dacera para malaman kung ano talaga ang nangyari sa kaniya. Ibig sabihin mga tropapips, wala pang “linaw” kung may nangyari talagang “krimen.”

Pero ang mga “FBI,” may kani-kanila nang konklusyon. May mga naniniwalang may naganap na krimen, habang ang iba–si Dacera pa ang sinisisi. Bakit daw makikipag-party at makikipag-inuman ang isang babae sa mga lalaki kahit pa mga bading ang kasama niya?

Nagkaroon pa ng isyu na para daw pinag-iinitan ang mga bading dahil sa nangyari kay Dacera. May mga humihirit na hindi raw dapat pagkatiwalaan ng mga babae ang mga bading sa inuman. Kapag daw kasi nalasing ang bading at nagalit si “manoy,” nakakalimutan daw ng mga ito na sila ay ‘Badinger—Z’.

Naalala ng isa nating kurimaw na isang beses sa isang taon lang kung mag-post sa kaniyang FB, ang nangyari sa isang 19-anyos na babae sa Cebu noong 2019 na na-overdose sa ecstacy habang dumadalo sa Sinulog.

Gaya kay Dacera, may mga netizen din na sinisi pa ang biktima kung bakit siya na-overdose at namatay sa halip na pairalin ang simpatiya sa sinapit ng babae. May mga espekulasyon pa sila kung bakit may droga ang babae matapos na madawit ang nobyo nito sa nangyari.

Pero bakit nga ba parang ang daming ‘netizens na FBI na “nega” at inuunahan pa ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad? Gaya ng nangyari kay Tekla na halos ipako noon ng netizens nang unang lumabas ang akusasyon ng ka-live in ng komedyante.

Ngunit nang magsalita na si Tekla at ihayag ang kaniyang panig at ma-“cross examine” ang pahayag ng ka-live in, aba’y biglang nagbago ang ihip ng hangin ng netizens at naawa silang bigla sa komedyante.
Tandaan ang sabi sa isang palaro ng Eat Bulaga, “Bawal Judgmental.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

The post FBI: ‘FaceBook Investigator’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments