Eto na nga, dahil nasa pandemya pa rin ang bansa bunga ng hindi matiyak na pagdating at pagturok ng bakuna sa atin eh nagkaroon tayo ng napakaraming panahon para magbabad online, hindi lamang sa social media, kundi pati na rin sa pagbrowse ng kung anu-ano.
At siyempre sa mga kagaya kong mahilig sumipat ng mga sasakyan, maraming madalas na natambay sa mga websites na nagpopost ng mga ibinebentang sasakyan, brand new at segunda mano.
Medyo nakakapagtaka nga na ilang linggo matapos ang malawakang pagbaha dulot ng mga nakaraang sama ng panahon at kalamidad ay medyo dumami ang mga nakapost na medyo modelo na nga ay hindi pa gaanong kataasan ang presyo.
Kaya nga ba ako ay napapaisip kung sa mga nakapost sa mga websites ay mayroong mga nadale ng baha o napasok ng tubig dahil kung ang mga description ang pagbabatayan, lahat ay nagsasabing “hindi nabaha” at “flood-free.”
Pero ang kumuha ng atensiyon ko ay ang mga nakapost na ang modelo base sa description ay Vios 1.5 E.
Ang Vios ay ang entry level ng sedan variants ng Toyota sa Pilipinas, sumunod dito ang Altis at bago ang pang-VIP na Camry.
Nakakapagtaka lamang kung saan kumuha ng ideya o ano ang naiisip ng mga nagbebenta ng naturang Toyota variant na nagpopost sa description ng Vios 1.5 E.
Sa tinagal-tagal ko na kasing sumisipat ng mga oto, hindi pa ako nakakasalubong ng 1.5 E variant dahil ang pagkakaalam ko base sa mga modelong nakadisplay sa mga showroom at maging sa mismong website ng Toyota, ang Vios ay mayroon lamang 1.5 G TRD (ito yung top of the line na bihis), 1.5 G standard, 1.3 G (hindi ko lang sigurado kung hanggang ngayon ay mayroon pa nito) 1.3 E na madalas pinangti-TNVS at 1.3 J na karaniwang ginagawang taxi.
Sa mga pinakamodelo ay mga nakikita akong XLE pero imposibleng magkaroon ng 1.5 E.
Halos magkakapareho ang mukha ng VIOS E at G at ang tanging pinagkaiba maliban sa medyo mataas na horse power ng huli ay ang signal light repeater na nakakabit sa mga side mirror.
Masasabing isang panloloko ang mga ginagawa ng mga nagpopost ng second hand Vios na naglalagay ng description na Vios 1.5 E gayung ang katotohanan ay 1.3 lang naman ang iniaalok nila.
At kung sa ganitong aspeto pa lamang ay nagsisinungaling na ang nagbebenta, maniniwala ka pa ba sa “hindi nabaha,” “not flooded,” na nakalagay bilang dagdag detalye?
Paalala at payo lang po natin ito sa mga naghahanap ng segunda-manong oto.
Ayos ba?
The post Walang Vios 1.5 E first appeared on Abante Tonite.
0 Comments