JERRY OLEA
Teaser pa lang ng Voltes V: Legacy ang inilabas ng GMA Network noong Enero 14, Huwebes. Wala pang announcement ng cast, at kung kailan ito ipapalabas.
Pero mainit na ang balitaktakan ng netizens kaugnay rito. At ang Kapuso writer na si Suzette Doctolero, pinagpapaliwanagan ang mga mema na hindi pa man ay kung anu-ano na ang hanash at kuda.
Lahad ni Suzette sa Facebook nitong Enero 24, Linggo ng umaga, “Huwag daw gawing madrama at iyakan ang Voltes V. ‘Ngina.
“Pa’no iyon kapag mawalay sa kanila si Dr. Armstrong? Konting iyak lang? Isang patak ng luha na lang para di madrama?
“E sa anime nga, grabeng ngalngal ang mga anak at ang naiwang asawa. Mas tinimpi nga namin sa script.
“At nung namatay ang ina, paano namin gagawin na hindi madrama at nakakaiyak!? Namatay ang nanay mo, di ka iiyak? Ogag ka.
“Bilangin mo ang luha sa anime version, mapupuno mo ang drum.
“Ang dami pong iyakan at madadrama sa Voltes V! Bago magbida-bida, panoorin ninyo nga uli ang anime verson nang malunod kayo sa drama at luha!
“Agawan ng minanang trono, fall ng isang nobility, at paghahanap sa nawawalang magulang. At yes, angst sa mga namatay na pamilya. Kaloka.
“Soap na soap po ang VV anime, ewan ko kung bakit di ninyo iyan nakita. O sadyang mema at pabida lang? At di naman napanood o ninamnam talaga?”
Ipinalabas ang Voltes V noong Hunyo 4, 1977 hanggang Marso 25, 1978 sa Japan.
Mayo 5, 1978 nag-umpisang ipalabas ng GMA ang English-dubbed ng anime. Martial Law noon sa ating bansa.
Ipinagbawal ng gobyernong Marcos ang pagpapalabas ng huling limang episode ng Voltes dahil umano sa “excessive violence.”
Nagkaroon ng haka-haka na ang tunay na dahilan ay dahil sa tema ng series na pag-aaklas at paghihimagsikan.
Pagpapatuloy ni Suzette, “Mga bata pa siguro kayo noong napanood ninyo (gaya ko dati) kaya nasa labanan lang lagi ang focus ninyo, pero kung papanoorin ninyo uli ngayon, makikita ninyo na madrama, nakakaiyak, at puno ng hinagpis ang kwento..: lalo at hindi lang ito tungkol sa nagkahiwalay na pamilya, kungdi kwento rin ito ng mapangahas na pananakop, at paglaban sa mga imperyalistang aliens.
“At dahil dito kaya maraming mga mahal sa buhay, ama, ina, kapwa katrabaho at tagapagtanggol, kapatid, ang mga mamamatay. O so paano hindi madrama at iyakan yan??
“Hintayin, ipunin ang lait, at panoorin muna. Kaysa unahin ang paghuhusga.
“Napakaraming mahuhusay na Pinoy animators ang involved sa show na ito, ang mga scripts ay aprubado rin ng Japan.
“Manahimik muna at konting suporta naman po lalo’t tayo ang unang bansa na magtatangka at naglakas loob na gumawa ng live action soap series ng isang most beloved anime show.
“Tayo ang una. Pilipinas. Huwag po munang maging talangkang syonga. Saka na. Pag palabas na. Salamat!”
[facebook:https://ift.tt/3iIGG8g]
NOEL FERRER
Good luck na lang!
Hindi naman siguro itataya ni Bitoy o Michael V ang kanyang pangalan sa isang protektong wala lang.
Interesting mapanood ang Voltes V sa panahon naman ngayon na sabi mismo ng Presidente Duterte, kahit hindi Martial Law pero nagagawa niya ang mga bagay na nais niya at napapasunod niya ang mga tao rito.
Ano kaya ang tugon ng Voltes V dito?
GORGY RULA
Teaser pa lang, involved na ang netizens.
Magandang senyales iyan, Madam Suzette.
Kaya isantabi na lang muna ang mga hanash at kuda. Ireserba na lang kapag kailangan nang magpaliwanag sakaling kukuwestiyunin ang takbo ng kuwento.
Mukhang kinarir talaga ito ni Direk Mark Reyes kaya ang taas ng expectations ng mga tao sa proyektong ito ng GMA-7.
[ArticleReco:{"articles":["156167","156139","156126","156110"], "widget":"Hot Stories"}]
0 Comments